Inihayag ni Cai Cortez na single mother siya ngayon ng dalawa niyang anak. Kasabay nito ang pagpapasalamat niya sa kaibigang si Kakai Bautista, na nagturo umano sa kaniya na tumayo sa sariling paa.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong si Cai kung kaya niyang mabuhay nang walang mga lalaki.
“Yes," kompiyansang sagot ng aktres. "Napatunayan ko po ‘yan. Being a single mother to my two kids. Kaya namin and we are happy and thriving.”
“Hindi lang masabi na nabubuhay pero thriving, happy,” pagpapatuloy ng Kapuso comedienne.
Ayon kay Cai, siya ngayon ang tumutustos sa pangangailangan ng kaniyang mga anak.
“Importante [ang pera] kasi may dalawang anak ako eh at ako ang sole provider, kaya hindi puwedeng matigil ang pagpasok ng pera. Kasi ayoko nang umasa sa iba,” saad ni Cai.
Kasama ni Cai na nag-guest sa programa si Kakai Bautista, kung saan nagpasalamat siya sa mga itinuro sa kaniya ng kaniyang kaibigan.
“Isa siya (Kakai) sa mga nagturo sa akin kung gaano ako ka-special bilang tao. She was a stepping stone in realizing na hindi dapat ako pumapayag na mabastos, ma-disrespect. And kaya kong tumayo sa sarili kong paa,” sabi ni Cai.
Inihayag ni Cai ang hugot niya tungkol sa pagiging matiisin ng mga babae.
“Ang babae kasi mapagtiis eh. For the peace tatahimik ka, so akala nila okay lang ‘yon,” aniya.
“But no. Itinuro niya (Kakai) sa akin na kailangan mong magsalita, kailangan mong ipaglaban ang sarili mo para sa mga anak mo,” ayon pa kay Cai.
Kung kaya ni Cai na walang lalaki, inihayag naman niya na laging una sa kaniya ang pamilya. --FRJ, GMA Integrated News