Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ng King of Talk ang aktres na si Kakai Bautista kung puwede nilang pag-usapan ang Thai actor at model na si Mario Maurer.

Pero sa halip na sumagot, pabirong nag-walkout si Kakai kaya natatawang hinabol siya ni Tito Boy para pabalikin sa upuan at ituloy ang panayam kasama si Cai Cortez. 

“Let’s not talk about the past Tito Boy,” sabi ni Kakai.

Naunawaan naman ito ng TV host at sinabi niya kay Kakai na , "Oo naman, totoo naman ‘yan. But we learn from the past.”

Ayon kay Kakai, hindi na siya pinapayagan pang muling magsalita tungkol sa dayuhang aktor.

Matatandaan na noong 2021, nakatanggap si Kakai ng liham mula sa team ni Mario na humihiling sa kaniya na itigil na ang pagkalat ng "false and untrue" claims tungkol sa pagiging magkaibigan nila ni Mario.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Kakai ang paratang at sinabing “without any factual and legal basis” ang pahayag ng kampo ni Mario.

Nagkatrabaho sina Kakai at Mario sa 2012 film na “Suddenly It’s Magic.”

Single ngayon

Sa ngayon, sinabi ni Kakai na single siya at sinusulit niya ang naturang pagkakataon para sa sarili. Kasabay nito, inihayag din ng aktres na kaya naman niyang mabuhay nang walang lalaki sa kaniyang buhay... sa ngayon.

“Sa ngayon oo. Pero wala naman kasing nabubuhay talaga na walang kasama. Pero I choose to be single sa phase ng buhay ko na ito na I’m just enjoying my life on my own, no distraction,” anang Kapuso comedienne.

“Kasi late na ako nag-start mag-enjoy sa buhay. So gusto ko munang namnamin ‘yon para ready na ready na ako when I fall in love again,” sabi pa ni Kakai.

Self-love raw muna ang priority ni Kakai, bago siya muling iibig.

“I’m so ready because I have embraced myself wholly, wholeheartedly and completely. Para wala nang masyadong issues pagka nagkaroon ako ng lovelife,” sabi ng aktres.-- FRJ, GMA Integrated News