Inihayag ni Raphael Landicho na gumaganap na Little Jon sa "Voltes V: Legacy," na wala siyang alam noon kung ano ang Voltes V. At nang panoorin niya ang original Japanese anime series bilang paghahanda sa kaniyang karakter, sinabi ng batang Gen Z na kaagad siyang na-hook sa kuwento nito.
“Noong nakuha ko po ‘yung role, una po talaga confused ako kasi, ‘Ano ‘yung Voltes V?’ Parang [nagtataka] po ako. Nalaman ko po na anime ito dati ng mga kabataan po,” sabi ng 10-anyos na si Raphael sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel."
“Pinanood ko po talaga ‘yun para malaman ko ang buong story, ‘yung buong plot, para maka-relate ako sa character,” pagpapatuloy ni Raphael.
Kaya gaya ng ibang kabataan na nakahiligan ang Voltes V, agad ding na-hook si Raphael sa naturang anime.
“Ang ganda nga po ng story, ng plot twists, lalo na po ‘yung kay Little Jon, ‘yung role niya nakaka-relate talaga sa sarili ko po,” anang Kapuso child actor.
Ayon kay Raphael, marami siyang nakitang pagkakapareho nila ni Little Jon nang pag-aralan niya ang kaniyang karakter.
“Siyempre po makulit, genius, tsaka po mahilig din ako sa mga gadget at tsaka mahilig po akong magswimming,” sabi niya.
“Mahilig din po akong magkalkal, ‘di ba po si Little Jon pagtingin mo maya-maya may kinakalkal na lang na technology na ewan. Ako rin po ganu’n din po ako eh, mahilig po ako mag-laptop, mag-games po,” dagdag ni Raphael.
Thankful si Raphael na hindi na siya nag-audition, kundi siya na ang napili ng Kapuso Network na gumanap bilang si Little Jon sa live action adaptation na Voltes V: Legacy.
“Actually sinabi na lang po agad sa akin na ‘Ikaw na si Little Jon!’ Sabi ko po ‘Huh?’” natatawa niyang sabi.
Dahil sa pandemya, may mga pagkakataong hindi nakapag-taping si Raphael, at sumabay na rin ang paggawa ng series sa kaniyang paglaki.
Katunayan, tatlong beses daw pinagawan ng costume si Raphael.
“Naka-fitted po siya, lumulubo na siya sa akin. Lumalaki na ako eh,” sabi niya.
Habang hindi muna nakakapag-taping noong kasagsagan ng pandemya, hinahanda muna ni Raphael ang kaniyang sarili sa karakter.
“Nagpe-prepare po talaga ako. ‘Yun po ‘yung pinapanood ko ang Voltes V ‘yung anime po. Tsaka nag-aral po ako ng kaunting taekwondo kasi ‘yung Voltes V ay action. Minsan kami po kami ni mama, one-on-one nag-a-acting workshop kami para ma-stable ko pa rin ‘yung acting ko para kapag sinabak na ako sa taping puwede na akong mag-acting nang maayos,” kuwento niya.— FRJ, GMA Integrated News