Naghain ng deportation case si Pokwang laban sa kaniyang ex-partner na si Lee O’Brian.

Sa Instagram, nag-post nitong Martes si Nelson Canlas ng larawan ni Pokwang kasama ang kaniyang abogado na si Rafael Vincente Calinisan ng Calinisan Domino And Beron Law Offices.

Kuha umano ang larawan sa Bureau of Immigration sa Maynila, kung saan inihain ng aktres ang kaso laban kay Lee.

Sa DZBB report, sinabi ni Nelson na batay sa alegasyon ng abogado ni Pokwang, wala umanong working permit sa Pilipinas si Lee.

"Kailangan nating mabigyan ng leksyon ‘yung mga taong nang-aabuso sa batas natin, sa karapatan ng bawat babae, bawat nanay," ayon kay Pokwang.

Sinabi ni Nelson na mapapanood sa GMA News "24 Oras" ang iba pang detalye.

Matatandaan na July 2022 nang kumpirmahin ni Pokwang na hiwalay na sila ni Lee, na ama ng kaniyang anak na si Malia.

Sinabi rin ni Pokwang sa mga nakaraang pahayag niya na pinaalis niya ng bahay si Lee.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni Lee. — FRJ, GMA Integrated News