Dahil kapos sa pinansiyal ang pamilya at walang pera para sa kaniyang pamasahe sa bus mula sa Bicol, nakisabay lang sa truck na maghahatid ng gulay si Kyline Alcantara para makapag-audition sa Maynila.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, masayang nagbalik-tanaw si Kyline sa kaniyang pagsisimula sa showbiz.
"Wala po kaming pambayad sa bus, kahit po ordinary bus lang, hindi po 'yung may aircon," saad ng aktres, na full support daw ang kaniyang ina sa kaniyang pangarap.
"So may palengke po dun sa Bicol pumunta po dun si mama and nagtanong po siya sa isang tindera na kaibigan niya po dun, 'Uy meron ka bang mga ipapadala sa Manila?,'" patuloy niya.
Iyon na ang pagsisimula ni Kyline para abutin ang kaniyang pangarap sa showbiz.
"Sumabay po kami sa truck na punong-puno ng gulay, at may mga kasama kaming boys kasi s'yempre po magbubuhat po sila eh," patuloy ng aktres.
Bagaman aminado na ilang beses din natanggihan, sinabi ni Kyline na mayroon ding mga tao na tumulong sa kaniya.
Ngayon, isa si Kyline sa mga big young actess ng Kapuso network na bumida na sa iba't ibang serye gaya ng "Kambal, Karibal," "I Left My Heart in Sorsogon," at "Zero Kilometers Away."
Bida rin si Kyline sa "Luv Is: Love At First Read," kasama si Mavy Legaspi.
Mapapanood ang "Luv Is: Love At First Read" simula sa Lunes, June 12, sa ganap na 5:40 p.m. bago ang "24 Oras." —FRJ, GMA Integrated News