Ang Kapuso star na si Pokwang ang makakasama ni 'Rosalinda' star Fernando Carillo sa isang proyekto.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing ibinahagi ni Pokwang ang naturang impomasyon sa isang Instagram post nitong Linggo.

Sa naturang post, makikita ang larawan na magkasama sina Pokwang at Fernando. Gayunman, hindi sinabi ng aktres kung ano ang proyektong pagsasamahan nila.

"[A]yun na nga! [N]ew project with [M]r. @ferrcarrillo waaaa cant wait!" saad ni Pokwang na may hashtag na #FerPok.

Nitong nakaraang linggo, umani rin ng papuri ang dance number nina Pokwang at Fernando sa show na "TiktokClock."

Nasa Pilipinas ang 57-anyos na si Fernando, para sa isang reality show na naghahanap ng talented individuals na bubuo ng "Filipino BTS."

Naging guest din sa "Fast Talk With Boy Abunda" ang Venezuelan actor kung saan inilahad niya na minsan niyang naka-date ang broadcast journalist na si Korina Sanchez.

Sinabi rin ni Fernando na gusto niyang makatrabaho si Carla Abellana, na dapat ay makakasama niya sa isang proyekto na hindi natuloy.-- FRJ, GMA Integrated News