Sinabi ni Gardo Versoza na inakala niyang lilisanin na niya ang mundo nang atakihin siya sa puso noong Marso.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, binalikan ng aktor ang naturang karanasan kung saan nalaman ng mga duktor na barado ang kaniyang dalawang ugat na konektado sa puso.
"Umabot ako dun sa point na parang about to leave this world," sabi ni Gardo kay Tito Boy tungkol sa naranasang pagsailalim niya sa angioplasty para alisin ang bara sa mga ugat.
Ayon kay Gardo, nang mga sandaling iyon, isinuko na raw niya ang lahat sa Diyos.
"Ganun pala 'yung feeling na parang akala ko before nakakanerbyos," saad niya. "Pero come to think of it, parang bibigay mo na lahat kay Lord eh."
"'Yung nga 'yung pinagdasal ko na, 'If ever man na this is my time, Kayo na pong bahala dun sa mag-ina," patungkol ng aktor sa asawa niyang si Ivy Vicencio at anak kanilang nag-iisang anak.
Ayon kay Gardo, hindi niya alam na mayroon siyang problema sa puso dahil active ang kaniyang lifestyle at maingat din sa kaniyang mga kinakain.
Gayunman, hindi raw siya regular na sumasailalim sa medical checkup na isa sa mga aral na natutunan niya.
"Feeling ko parang in a way baka rin ginamit akong instrumento ng Panginoon na kumbaga mai-share sa iba na 'wag n'yong balewalain kasi hindi biro 'yun," ayon kay Gardo.—FRJ, GMA Integrated News