Dahil may dalawang kapatid na may autism, nauunawaan ni Miss Universe Philippines Michelle Dee ang kalagayan ni Nanay Elvira, na mag-isang itinataguyod ang alaga niyang si Ronalyn, 45-anyos, na may autism din.
Kamakailan lang, naging laman ng mga balita ang panawagan ni Nanay Elvira na matulungan sana siya para matiyak na may mag-aalaga kay Ronalyn, sakaling may mangyari sa kaniya dahil na rin sa kaniyang edad.
Ayon sa kapitbahay na si Nanay Wilma, dalawang taong gulang lang si Ronalyn nang ipaampon ito kay Nanay Elvira.
"Maliit pa siya nung pinaampon. Habang lumalaki siya may iba, dun ko pina-check. Sinabi nila she's an autistic. May mga nagsasabi noon, 'Give her up'. Hindi ko 'yun magagawa. Paano kung mapunta siya sa mga kamay na hindi mabuti?," saad niya.
Biyuda na si Nanay Elvira, at madalas na umaasa na lang sa bigay na pagkain ng mga kapitbahay.
"Alam ninyo ba 'yun din ang naiisip ko, halimbawa mawala ako, paano siya? Naisip ko rin 'yan, kung sinong pupuntahan ko, ihabilin ko. 'Pag nakikita ko siya, awa ang unang pumapasok sa isip ko, sa puso ko. Hindi ko ma-explain kung gaano ko kamahal," pahayag ni Nanay Elvira.
Kasama ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," binisita ni Michelle sina Nanay Elvira at Ronalyn, at nagdala siya ng ilang gamit sa bahay na kailangan nila.
Ipina-checkup na rin sina Nanay Elvira at Ronalyn sa mga duktor. Ipinalinis na rin ang kanilang bahay na hindi na magawa ni Nanay Elvira dahil na rin sa pag-aasikaso kay Ronalyn.
Nagulat si Nanay Elvira nang sabihin ni Michelle na dalawa sa kaniyang kapatid na sina Adam at Mazen, ang nasa autism spectrum din gaya ni Ronalyn.
Isa sa mga adbokasiya ni Michelle ang autism awareness, autism acceptance, and inclusivity.
"From education to healthcare to governments giving people with disabilities the proper opportunities, kulang pa talaga," saad ng Kapuso beauty queen-actress.
Nasasaktan daw si Michelle kapag may mga tao na hindi nauuwaan ang kalagayan ng mga taong may autism.
"The common terms would be like, 'retarded' or 'stupid' or 'dysfunctional,'" aniya. "I always defended them if anything because that's what we do with family. But at the same time, it was so frustrating for me to see how they were being treated."
Sinabi ni Michelle kay Nanay Elvira, na may tulong pang darating mula sa Autism Society of the Philippines, at ipapaalam din ang iba pang puwedeng gawin para kay Ronalyn.
Ayon kay Dang Koe, chairperson ng Emerita of Autism Society Philippines, ang mga magulang ang dapat mag-asikaso sa mga anak na may katulad na kondisyon.
"In that case, medyo may edad na po si lola, di ba, at mukhang wala talagang pwedeng mag-handle. So it is one of our dreams of ASP na magkaroon ng tinatawag na mga adult home.And dito sa Pilipinas kokonti lang po 'yan," saad niya.
Paalala ni Michelle kay Ronalyn, "Rona, lumaban ka lang ha? May silbi ka sa buhay. Dapat laging mabait sa kapwa. Dapat lahat ng gawin natin, puno nang pag-ibig, huwag kang mag-alala, dadating din ang tulong." —FRJ, GMA Integrated News