Sinabi ni Miss Universe 1969 Gloria Diaz na naranasan din niya noon na may mga taong hindi matanggap ang kaniyang pagkapanalo gaya ng nangyari ngayon kay Miss Universe Philippines Michelle Dee.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag ni Gloria na masaya siya sa pagkapanalo ni Michelle, at para sa ina nito na si Melanie Marquez.
Payo ni Gloria kay Michelle pagdating sa mga basher na hindi matanggap ang kaniyang pagkapanalo, huwag silang pansinin.
"Just do your best, enjoy and just pretend they don't exist," payo ni Gloria kay Michelle patungkol sa mga basher.
Naranasan din umano ito noon ni Gloria nang manalo siyang Miss Philippines, at kinalaunan ay Miss Universe.
Sinabihan daw siya na "lutong macao" o dinaya ang kaniyang pagkapanalo.
Hindi pa raw alam ni Gloria nang panahong iyon ang ibig sabihin ng lutong macao.
"Ang puno na nagbubunga siyempre babatuhin," dagdag ng beauty queen-actress.
Inihayag din ni Gloria na hindi siya pabor na isali sa mga female beauty pageant ang mga transwomen.
Dapat daw na sumali ang mga transwoman sa sarili nilang pageant.
"Kasi baka matalo kaming mga babae. Kasi maraming men-turned-female na super ganda," saad ni Gloria na nilinaw na marami siyang kaibigan sa LGBT community.
Maging ang mga babae na kasal na at ina na, puwede umanong magkaroon ng sariling beauty pageant.
Naging special guest si Gloria sa special presentation ang preliminaries ng gaganaping Binibining Pilipinas pageant. --FRJ, GMA Integrated News