Proud and happy mommy si Sheryl Cruz para sa kaniyang unica hija na si Ashley na magtatapos na summa cum laude sa San Francisco State University ngayong buwan.

Sa Instagram, nag-post ang aktres ng larawan mula sa video call nila ng kaniyang anak, na tinawag niyang best mother's day gift sa kaniya.

Inihayag ni Sheryl, na "so proud and blessed" siya na nagkaroon ng anak na katulad ni Ashley.

Ayon sa GMA Network, sinabi ni Sheryl sa entertainment reporter na si Lhar Santiago na inihahanda niya ang sarili sa pagsuporta kay Ashley na magtatapos ng summa cum laude sa kursong Psychology.

"Sa araw ng birthday niya, doon siya pararangalan so I'm very excited for her and I'm very proud of her because efforts niya lahat ito. Kalahati lang ako na nagbigay ng shares sa kung ano man ang meron siya ngayon and kalahati no'n sa family naman ng tatay niya. So I'm very proud of her and very grateful kasi kahit na malayo kami sa isa't isa, hindi nasayang yung effort,” saad ni Sheryl.

 

 

Sa comment section, nagpaabot ng pagbati kay Sheryl ang kaniyang celebrity friends tulad nina Tina Paner, Geneva Cruz, at Jennifer Sevilla.

Nitong nakaraang Enero, masaya ring ibinahagi ni Sheryl ang natanggap na sulat ni Ashley mula sa Associate Dean ng unibersidad, na binabati ang kaniyang anak sa pagkakasama sa Dean's List.

Anak ni Sheryl si Ashley sa ex-husband nito na si Norman Bustos.— FRJ, GMA Integrated News