Naging emosyonal si Valerie Concepcion nang ihayag ang sakit na kaniyang naramdaman nang malamang hinanap ng anak niyang si Heather Fiona ang tatay nito.

“Magso-sorry ako kasi she’s 18 now and may time na hinahanap niya ‘yung tatay niya. So siguro ang iso-sorry ko is ‘yung hindi ko nabigay sa kaniya ‘yung normal na family na dapat,” sabi ni Valerie sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

"Tina-try ko so hard to a mom and dad to her," pagpapatuloy ng "Seed of Love" actress.

"It pains me noong nalaman ko na hinanap niya ‘yung tatay niya kasi feeling ko, hindi ako enough. Hindi ko naibigay ‘yung lahat para hanapin pa niya ang tatay niya," pagpapatuloy ni Valerie.

Ngunit ngayon, naunawaan na niya kung bakit ito ginawa ng kaniyang anak.

“But of course she doesn't make her love me less just because she’s looking for her father. She just really wants to know where she came from, her roots, and her story. Now I understand that," saad ng aktres.

Inilahad din ni Valerie na sinubukan niyang kausapin ang dati niyang partner na si Jeremy Carag.

"We tried reaching out. I tried telling him, that 'Our daughter is ready to meet you. She told me she's ready' but I didn't get a response, sadly," saad niya.

Ayon pa kay Valerie, wala silang komunikasyon ng dating partner.

Sa kabila nito, hinikayat ni Valerie si Fiona na huwag pa ring magalit sa ama nito.

“I always tell her don’t be mad at your dad because no matter what happens bali-baligtarin mo ang mundo, tatay mo ‘yan, you have to respect. But of course hindi mawawala sa bata na nasaktan siya at na-disappoint siya,” ani Valerie.

“So if may iso-sorry ako, siguro ‘yun, ‘yung wala kasi akong kontrol doon eh,” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News