Mula sa pagiging bida at mabait sa mga nagdaang nilang proyekto, kontrabida naman ngayon ang role na ginagampanan nina Althea Ablan at Klea Pineda sa Kapuso afternoon series na “AraBella.”
“Nag-usap kami, nakakapagod maging kontrabida," natatawang sabi ni Althea sa panayam sa kanila sa GMA Regional TV Early Edition. "Kasi pagdating mo pa lang ng set, unang eksena mo, magagalit ka na agad."
Sabi naman ni Klea, “Tsaka halos lahat ng scenes na kinukuhaan namin sa isang taping day puro kami nakasigaw, puro kami galit. Lahat ng emotions namin galit."
Pero paglilinaw ng aktres, behind the camera ay kuwentuhan lang sila nang kuwentuhan at nagtatawanan ng mga co-stars nila na sina Camille Prats at Shayne Sava.
Ayon pa kay Klea, mabait siya sa tunay na buhay.
“Actually nagkakasundo kami ni Klea. ‘Yung ugali namin ang layo sa pagiging kontrabida,” sabi naman ni Althea.
Gumaganap si Althea bilang si Bella, samantalang si Klea bilang si Gwen.
Ang “AraBella” ay tungkol sa inang si Roselle (Camille Prats), na hinahanap ang kaniyang anak na babae na 10 taon nang nawawala.
Sa tulong ng TV show, makikilala ni Roselle si Ara isang teenager na na-kidnap noong pagkabata at hinahanap ang kaniyang tunay na ina.
Ngunit malalaman nilang hindi magkatugma ang kanilang DNA tests. Dito matatagpuan ni Roselle si Bella, ang kaniyang tunay na anak, ngunit naging iba na ang pagkatao matapos makidnap at maging isang con artist.
Si Gwen naman ang bata at tusong anak-anakan ni Roselle.
--FRJ, GMA Integrated News