Kahit matagal nang nangyari, hindi pa rin maiwasan ni "I-Juander" host Susan Enriquez na maiyak kapag naaalala ang pagkakabihag sa kaniya noon ng bandidong Abu Sayyaf Group sa Basilan, na itinuturing niyang isa sa pinaka-nakakatakot na yugto ng kaniyang buhay bilang mamamahayag.
Ayon sa co-host ng programa na si Mark Salazar, maituturing na beterano si Susan sa news coverage ng kaguluhan noon sa Basilan, na dahilan para iwasan noon ng mga tao ang lalawigan.
Pero malayo na ang sitwasyon ng Basilan ngayon na mas tahimik na kung ikukumpara noon na aktibo pa ang ASG.
Tinanong ni Mark ang kaniyang partner na si Susan kung paano siya nabihag ng mga bandido.
“Bago naman kami umakyat doon, may meeting with the official government, with military, and with police. Kumbaga sanctioned naman nila yung paglakad, hindi naman yung parang patakas," kuwento ni Susan.
"Tapos nandoon na kami sa tuktok dun sa kampo ng Abu Sayyaf, doon lang namin nalaman na mayroon palang demand yung mga bandidong Abu Sayyaf," patuloy niya.
Humihingi umano ng 200 sako ng bigas ang mga bandido at hindi sila pabababain ng bundok hanggat hindi naibibigay ang mga bigas.
Pag-amin ni Susan, isa iyon sa mga pinaka-nakakatakot na yugto ng kaniyang buhay bilang isang mamamahayag. Iniisip din niya kung makikita pa niya ang kaniyang anak.
“Yun yung isa sa pinaka-nakakatakot na yugto ng buhay mo bilang isang journalist. Kasi hindi ikaw ang may control [ng sitwasyon]," saad niya.
"Hindi ka makakapag-communicate sa kung sino man yung gusto ko tawagan. So iniisip ko 'Paano si Kaye? Paano yung anak ko?' Siyempre yung isang araw, dalawang araw lang na hindi mo makita at makakausap, parang taon yung pakiramdam noon. Wala nga kasing assurance kung makakabalik ka pa," patuloy niya.
Sa kabila ng kaniyang sitwasyon noon, sinabi ni Susan na hindi rin niya maiwasan na isipin ang kinabukasan ng mga bata na kaniyang nakikita sa lugar.
“Bigla mong naiisip, ano magiging kinabukasan ng mga bata doon? Hindi lang yung mga binihag, pati yung nakatira mismo doon sa probinsya. Ano yung magiging kinabukasan nila kung sila ay namumulat doon sa buhay ng kahirapan at karahasan," sabi pa ni Susan.
Ngayon, dinadayo na ng mga turista ang Basilan. Katunayan, makukulay na floating cottages ang sumasalubong sa mga turista ng Isabela, Basilan, na handog ng mga kababaihang Sama Banguingui.
Ang mga kaakit-akit na bangkang ito, ginagawa raw ng grupo para mapakita sa iba ang kanilang angking talento. Panoorin ang kuwento nila sa video.
--FRJ, GMA Integrated News