Nanalong Best Supporting Actor para sa pelikulang “Broken Blooms,” inihayag ni Boobay na hindi na niya hinahangad pa ang kasikatan at sa halip ay kontento na sa tagumpay na natatamasa sa kaniyang career.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, hinigian ni Tito Boy ng reaksyon si Boobay tungkol sa mga taong nagkokomento na pupuwede pa siyang sumikat o maging isang “bigger star.”
Matatandaang nakuha ni Boobay ang award sa Saskatchewan International Film Festival.
“Pinapasa-Diyos ko palagi, dinadala ko sa itaas, nagte-thank you ako agad kay Lord. Nagtatanong pa rin ako kung bakit Niya ibinigay sa akin ito. Nagpapasalamat ako kasi maraming nakaka-apperciate ng ginagawa ko. Effective kaya ipinagpapatuloy ko pa talaga,” sabi ni Boobay tungkol sa natanggap niya na blessing.
“Siyempre overwheming sa part ko ‘yun, ‘yung pagkakataon na ganu’n, may maririnig ako, may magme-message sa akin na ‘Ganito dapat. Ganito ka. Puwede kang sumikat nang ganito,’” sabi ni Boobay.
“Pero ‘yung pagkakataon kasi na ito, may binigay sa iyong chance na magkaroon ng your own show with Tekla. At the same time makapag-guest ka, dito sa inyo Tito Boy. And siyempre patuloy na makita pa rin sa TV, for me contentment is the key,” pagpapatuloy ng komedyante.
Para kay Boobay, mas mahalaga sa kaniya ang magpasaya sa tao, kaysa ang kasikatan.
“Hindi ko ine-expect na maging sikat na sikat. As long as nandiyan ka, patuloy kang nagpapasaya sa mga tao, okay na po ako roon.”
Wagi rin ang Broken Blooms bilang Best Cinematography, Best Full Length Film, at Best Musical Score.
Best Director din si Direk Louie Ignacio, habang Best Lead Actor and Actress sina Jeric Gonzales at Teri Malvar. Best Supporting Actress naman si Jaclyn Jose.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News