Madadagdagan pa at hindi mababawasan ang mga host ng Eat Bulaga, ayon sa Chief Finance Officer ng TAPE Inc., na nasa likod ng longest-running noontime show sa Pilipinas.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, nilinaw ni Dapitan Mayor Bullet Jalosjos, CFO ng TAPE Inc., na walang aalisin sa mga host ng programa.
"Wala pong aalis but ah... abangan na lang ninyo kung sino ang mga darating," anang alkalde. "I'm sure there are other celebrities or talents na we are welcoming as well."
Gayunman, hindi pa raw puwedeng sabihin ni Jalosjos kung sino ang mga magiging bagong bahagi ng "Eat Bulaga."
Sa naturang panayam, sinabi ni Jalosjos na mananatili sa Eat Bulaga ang mga haligi ng programa na sina Tito at Vic Sotto, at Joey de Leon.
Hindi rin umano lilipat ng ibang network ang "Eat Bulaga."
Ayon sa alkalde, excited siya sa mga magiging bagong pakulo at segment ng programa.
"Mas malaki po yung mga prizes na ibibigay natin," dagdag pa niya sa tinawag niyang "improvement" na mangyayari sa Eat Bulaga.
"Tuloy ang ligaya," deklara ni Jalosjos, na sinabing "rebonding" at hindi "rebranding" ang magaganap sa programa.
"Actually people are talking about rebranding but ang nga joke ni Joey mismo, it's not a rebranding, it's actually a rebonding," anang alkalde.
"Rebonding ng kumpanya, rebonding ng pamilya sa 'Eat Bulaga,' rebonding ng executives, rebonding din ng GMA," patuloy niya.
Ayon kay Jalosjos, 70% ng TAPE ay pag-aari ng kanilang pamilya, habang 20% naman kay Tony Tuviera, na president and CEO ng kompanya.
Pero nitong nakaraang Marso, nagretiro na umano si Tuviera.
Mas magiging aktibo na umano ngayon ang pamilya Jalosjos sa pagpapatakbo ng "Eat Bulaga," matapos ang pagreretiro nina Tuviera at Malou Choa-Fagar, ang dating COO ng TAPE Inc.
"What we are doing right now is trying to get involved, immerse ourselves sa show," paliwanag niya.
"We haven't been visible, we haven't been felt, and ngayon, we need all the help we can get," dagdag pa ni Jalosjos.
Nilinaw din ni Jalosjos na maayos ang ugnayan at walang away ang kanilang pamilya kay Tuviera. Maganda rin umano ang samahan nila sa mga host ng Eat Bulaga.
"Ang laki ng pasasalamat namin and utang na loob namin sa ating mga pillars, which is Tito, Vic, and Joey and of course Tito Tony," aniya.
"They have always been a guide and they are helping us and they are continuing to assist us and to guide us during our journey as the board of the company," patuloy ng alkalde.
—FRJ, GMA Integrated News