Para sa veteran actor na si Edu Manzano, hindi bale nang maiwan sa bahay ang kaniyang cellphone pero hinding-hindi puwedeng maiwan ang isang bagay na lagi niyang dala kahit saan man siya magpunta mula noong bata siya. Alamin kung ano ito.
Sa video ng Kapuso Showbiz News, ipinakita ni Edu na lagi siyang may dalang rosaryo. Itinuro umano ito sa kanila mula pa noong bata siya.
"Mas mahirap makalimutan 'to kaysa cellphone," patungkol ng aktor sa rosaryo na kaniya ring kinokolekta.
"So the moment na medyo magbuhol ah hindi puwede, kailangan laging dangling," saad pa niya.
Kahit sa taping, dala umano ni Edu ang rosaryo. At nang minsan niyang nakalimutan ang rosaryo, bumalik daw siya sa bahay kahit malapit na siya sa location.
"Sometimes [when] you fall and you ask for help... 'pag may eksena na... I put my hand in my pocket and then just hold the rosary," sambit niya.
Kaya naman hindi na raw baleng maiwan ang cellphone pero hindi puwede ang rosaryo; 'Paglabas ko ng bahay [wala ang rosary] opps! balik tayo balik."
Mabuti na lang daw ngayon na may mga delivery service na puwedeng ipahatid ang bagay kung sakaling maiwan. -- FRJ, GMA Integrated News