Inihayag ng aktres na si Alma Concepcion na mas natuto pa siyang pahalagahan ang pag-aartista sa kaniyang pagbabalik-showbiz ngayon.
Sa Bawal Judgmental segment ng “Eat Bulaga” nitong Lunes, isa si Alma sa guest choices tungkol sa mga artistang nagbalik matapos magpahinga sa showbiz ng ilang taon.
Ayon kay Alma, apat hanggang limang taon siyang nawala sa showbiz nang magdesisyong mag-aral ng interior design.
At nang makapasa sa board exam, nag-practice na siya ng bago niyang propesyon.
Dahil mag-isa na lang at nag-aaral na ang kaniyang anak sa abroad, naisipan na ni Alma na bumalik sa showbiz.
Nakasama si Alma sa GMA series na "Lolong," “False Positive” at ang kasalukuyang “The Write One.”
Sa Lolong, gumaganap si Alma bilang si Aling Ines, isang babae na tila wala sa sarili.
“‘Yung energy ko, inisip ko, wow, ipinagkatiwala sa akin itong role na ito, so whether it’s small or big, talagang vina-value ko na. Hindi katulad noong bata ako na iniisip ko lang work,” paliwanag niya.
“Pero ito inisip ko ‘yung deeper… Actually mas mabigat dito ‘yung ipinagkatiwala sa akin,” sabi pa ni Alma.
Hindi naman maiwasan ng aktres na magduda sa kaniyang kakayahan matapos siyang lumiban para sa pag-aaral.
“Actually noong bumalik ako with deeper, heavier roles, there was time na I was questioning myself kasi para kang sumasakay sa bicycle na hindi mo alam kung marunong ka pa ring magpedal. There was a time na ‘Ay matagal na akong walang practice, marunong pa ba akong mag-memorize? Marami rin akong doubts sa sarili ko,” saad niya.
Ngunit laking tuwa ni Alma na hindi pa niya nalimutan ang kaniyang pag-arte.
Sa “The Write One” naman, gumaganap si Alma bilang ang nanay ni Joyce na si Joanne, na may dual character.
“‘Yung maturity mo as an actor, nag-iiba rin as you mature in life,” ayon kay Alma.--FRJ, GMA Integrated News