Hinding-hindi malilimutan ni Jo Berry ang COVID-19 pandemic dahil ito ang umagaw sa buhay ng tatlo niyang minamahal -- ang kaniyang ama, kapatid at lolo noong 2021.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes," tinanong ng King of Talk kung ano ang mga sagot na "no" at "yes" na hindi niya malilimutan.
“Ang pinakamasakit pa lang na ‘no’ is noong sinabi ng doktor na hindi na talaga magsu-survive ‘yung three sa family members ko. ‘Yun po siguro ang pinakamasakit na ‘no,'" sabi ni Jo.
Tinanong ni Tito Boy si Jo kung paano niya hinarap ang sakit na mawalan ng tatlo sa miyembro ng kaniyang pamilya.
“Sa totoo lang po hanggang ngayon hindi ko alam kung ano ang sagot," saad ng Kapuso actress.
“Siguro naka-mindset lang sa akin na na kailangan ko pa ring magpatuloy sa buhay ko rito kasama sila roon, kahit wala na sila rito physically. ‘Yun po ang nagiging drive ko until today, na magpatuloy pa rin,” dagdag ni Jo.
Binalikan ni Jo ang mga huling sandali nang makausap niya ang kaniyang ama na nasa ICU noon.
"Naalala ko ‘yung last na sinabi sa akin ng papa ko. Nag-video call kami, nasa ICU siya nagpapaalam din po kasi ako kasi may show ako noon, magla-lock in na ako ng taping, so nagpaalam ako. Ang sabi po ng papa ko sa akin is, ‘Anak ituloy mo lang ‘yung laro mo.’ Kasi alam niya na happy ako with what I do. Kaya hanggang ngayon ‘yun ang inaalala ko kapag nada-down na ako nang sobra, kapag nami-miss ko na silang tatlo," kuwento niya.
Ang tinutukoy ni Jo na lock-in taping ay para sa kaniyang Kapuso drama series na "Little Princess," nang mangyari ang hindi inaasahang dagok sa kanilang pamilya.
"Iniisip ko na lang lagi, ‘Ay hindi. Kailangan kong ituloy ito para someday kapag nag-reunite na kami ng family ko, may ikukuwento ako sa kanila na ‘Itinuloy ko, nagawa ko ito. Ito ‘yung mga na-achieve ko noong umuwi na kayo sa heaven at naiwan pa ako roon,’” sabi ni Jo.
Samantala, sinabi ni Jo na ang "yes" na hindi niya makakalimutan ay nang matanggap siya nang mag-audition para sa isang role sa Magpakailanman, na naging daan upang makapasok siya sa showbiz. --FRJ, GMA Integrated News