Kabilang ang ama ni Kokoy de Santos sa mga Pinoy seafarer na na-hostage noon sa Somalia habang nasa barko. Ang Kapuso actor, ibinahagi ang pangamba na naramdaman nila ng pamilya lalo pa't maysakit sa puso ang kaniyang ina.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, kinumusta ni Tito Boy si Kokoy tungkol sa naturang karanasan.
“‘Yung communication namin noong time na ‘yun e-mail lang, wala pang chat-chat. Dalawang linggo na walang paramdam si erpats. ‘Yung ermats ko, since maysakit sa puso, nagpa-panic panic na tapos napupuyat,” sabi ni Kokoy.
Kinailangan naman nina Kokoy at ng kaniyang kapatid na pumunta sa computer shop para mag-check ng mga e-mail, pero wala raw silang natatanggap na mensahe.
“Nalaman ng ate ko sa isang group… hindi ko alam kung may Facebook na noon pero wala pang chat noon, na na-hijack ‘yung barko na sinasakyan ng erpats ko,” kuwento ng Kapuso actor.
“Pero noong nalaman na ‘yun, wala pa rin kaming communication. As in ilang linggo.”
Tinanong ni Tito Boy si Kokoy kung ano ang naglalaro noon sa isipan ng kaniyang pamilya.
“Wala na Tito Boy, hindi na namin ma-contact talaga. So kami, hoping pero, ano ang gagawin namin, pati ‘yung kumpanya niya ayaw makipag-cooperate sa amin. Wala rin daw silang masagap na [impormasyon] sa barko.”
Kalaunan, nalaman din nina Kokoy na buhay ang kanilang padre de pamilya.
“Sobrang nabunutan ng sandamakmak na tinik sa dibdib, lalo na ‘yung ermats ko. Bukod kasi sa iniisip namin ‘yung erpats namin, siyempre iniisip din namin ‘yung ermats, baka mamaya anong mangyari [sa kaniya], atakihin na lang bigla,” sabi niya.
Inamin ni Kokoy na hindi mawala sa isip niya ang pangamba para sa kaniyang ama, na patuloy sa pagtatrabaho bilang isang seafarer.
“Mag-stay siya rito, ang pinakamatagal limang buwan, anim na buwan, tapos aalis siya isang taon, parang laging ganu’n. Parang kahit laging routine siya hindi maiiwasan na… Lalo ngayon ilang taon na ako,” sabi niya.
Kung si Kokoy ang tatanungin, ayaw na niyang magbarko ang kaniyang ama, at lagi niyang hinihiling na huwag na itong umalis.
“Ayaw ko na. Kasi ‘yung ermats ko tumatanda na rin eh… Mas matagal na hindi niya kasama ‘yung erpats ko.”
Kaya naman nagsusumikap si Kokoy na maitaguyod din ang kaniyang pamilya.
Ikinuwento rin ni Kokoy na ilang beses nang nagpalipat-lipat ng tirahan ang kaniyang pamilya, at dalawang beses na nahila ng bangko ang kanilang bahay, isa sa Laguna at isa sa Cavite, dahil hindi nila ito nababayaran.
Naka-relate naman si Tito Boy sa karanasan ni Kokoy, na naghirap din noon para magkaroon ng bahay.
“Noong namatay ang tatay ko, pag-uwi ko sa Samar, ang salubong sa akin ng nanay, ‘Nakasangla ang bahay natin sa [bangko]. Nakatingin lang ako dahil hindi ko maintindihan, hindi ko rin alam kung ano ang isasagot, ‘Ano ba ang gagawin?’ Dumikit ‘yan sa isipan ko na, ‘Pagdating ng araw, ipagpapatayo kita ng bahay nanay,’” kuwento ng King of Talk. -- FRJ, GMA Integrated News