Dahil batang nagsimula sa showbiz si Camille Prats, tinanong ng King of Talk na si Boy Abunda ang aktres kung nakaramdaman siya ng panahon na tila napagkaitan siya ng kaniyang kabataan dahil maaaga siyang napasabak sa trabaho?
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inihayag ni Camille na hindi siya nagkaroon ng pakiramdam na nanakaw ang kaniyang kabataan at sa halip ay nagpapasalamat siya sa kaniyang "very unique childhood."
"Alam mo Tito Boy noong bata ako palagi kong naririnig ‘yun sa mga tao around me, especially sa may mga edad na ‘Kawawa ka naman kasi ang bata bata mo pa nagtatrabaho ka na. Hindi normal ang childhood mo. That’s what I would normally hear from people,” sabi ni Camille.
Kahit maagang nagtrabaho, grateful si Camille sa kaniyang karanasan.
“But to be honest Tito Boy, I had a very unique childhood. Totoo ‘yon na hindi ko man naranasan ‘yung kung ano ba ‘yung normal na childhood para sa karamihan, but I would like to think na ‘yung buhay na binigay sa akin ng Diyos is the life He really wanted for me," ani Camille.
"Hindi siya kapareho ng iba, unique siya, but I had so much fun. I loved what I was doing, even until now I’m so grateful to be in the business for 30 years. I really think it’s a blessing. And ‘yung buhay ko na ‘yun noong kabataan ko, remembering all the projects that I did, those were happy memories for me,” patuloy niya.
Nagsimula si Camille sa youth-oriented comedy variety show na “Ang TV.”
“Ang dami ko ring kalaro, nagte-taping kami pero natututo kami. Ang gusto ko lang sigurong sabihin, ang perspective ko roon is that nag-aaral tayo para magtrabaho pagdating ng panahon. I had the privilege to actually experience hands on experience of what real world is like at the age of seven years old,” paliwanag ng aktres.
Hiningan ni Tito Boy ng reaksyon si Camille tungkol sa mensahe ng isang ina sa kaniyang batang anak sa Eat Bulaga noong nakaraang linggo, kung saan sinabi ng ina na magsumikap ang kaniyang anak dahil ito ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Bilang isang dating child star na sinuportahan ng kaniyang mga magulang ang gusto niya, walang problema kay Camille sa pagbibigay ng mga magulang ng suporta sa kanilang mga anak.
Ayon kay Camille, siya mismo ang may kagustuhan na mag-artista at sinuportahan ng kaniyang ina ang kaniyang gusto.
“Pero ‘yung inasa sa ‘yo ang kabuhayan ng pamilya, it wasn’t what happened with our family,” sabi ng aktres.
Inihayag naman ni Tito Boy ang kaniyang pagtutol sa sinabi ng ina sa anak nito.
“Halimbawa, seven years old. Ang mensahe ng nanay, that whole perspective, the whole mindset na ‘Anak ‘pag naging maiaahon mo ang pamilya sa kahirapan, na ang aking opinion, is totally wrong. This is not an easy job. Huwag nating ilagay sa kamay ng isang bata ang pag-ahon sa atin,” anang King of Talk.
Sumang-ayon naman dito si Camille.
“Malalakas pa tayo, marami tayong puwedeng gawin. Tsaka walang time limit ang pagtatrabaho at ang pagpangarap ng mga buhay para maiahon mo ang sarili mo [sa hirap],” sabi ni Camille. --FRJ, GMA Integrated News