Naglabas ng kaniyang saloobin si Liza Soberano tungkol sa dati niyang manager na si Ogie Diaz, nagsasabi umano ng mga hindi totoo laban sa kaniya.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes,  sinabi ni Liza na naging maayos naman ang pagtatapos ng kontrata niya kay Ogie at wala silang naging away.

“Natapos naman po ‘yung kontrata namin nang tama, nang maayos, nang hindi po kami magkaaway, super nagkakaintindihan po kami,” ani Liza.

“Ang pagkakaintindi ko po suportado siya sa lahat ng gusto ko, ako rin naman po ganun towards him,” patuloy niya.

Ayon pa sa aktres, sinuportahan pa raw ni Ogie ang plano niyang lumipat sa bagong management.

“Nung una natakot po ako sabihin sa kaniya [na hindi na ako magre-renew], but his response was very supportive and undesrtanding,” saad ni Liza.

“So ngayon, nagtatampo po ako sa kaniya because he is saying so many things that are untrue,” sambit ng dalaga. “Why is he trying to say things to make people turn against me?”

Kabilang daw sa mga kasinungalingan ni Ogie ang umano'y hindi na pagkuha nito ng komisyon sa kaniya sa nakalipas na dalawang taon.

Ani Liza, may natatanggap pang komisyon si Ogie mula umano sa ilan niyang endorsement. Pero nararapat naman daw itong makuha ng dati niyang manager.

Nang tanungin ni Tito Boy si Liza kung nakipag-usap na siya kay Ogie, sinabi ng aktres na hindi niya makita ang dahilan para sila mag-usap dahil idinaan ng dati niyang manager sa YouTube vlogs ang mga sinasabi nito laban sa kaniya.

“Anak pa man din ‘yung tawag niya sa 'kin, gagawin niya ba ‘yun sa mga anak niya?” ani Liza. “Would he have done that to his five daughters?”

Sabi ni Liza, mas mabuti raw sana kung kinausap siya ng kaniyang dating manager ng pribado sa halip na idinaan sa vlogs.

“Parang hindi niya ako anak kahit anak ‘yung tawag niya sa 'kin because he’s treating me like everyone else in the industry," pahayag ni Liza.

Ang episode na ipinalabas nitong Lunes ay karugtong ng exclusive interview ni Tito Boy kay Liza upang linawin ang mga nasabi niya sa kaniyang kontrobersiyal na vlog na "This Is Me." — FRJ, GMA Integrated News