Para kay Jelai Andres, pamilya at hindi ang kaibigan ang dapat na unang sabihan kung may mabigat na problemang kinakaharap.

Sa video ng GMA Public Affairs, tumanggap ng mga tanong si Jelai mula sa netizens kaugnay sa kaniyang gagawing pagganap sa isang episode ng "Tadhana."

Isa mga tanong kay Jelai ay kung sa kaibigan ba o sa pamilya siya lumalapit kapag may mabigat na suliranin.

Ayon kay Jelai, may pagkakataon na unang lumapit siya sa kaibigan dahil ayaw niyang ipaalam sa pamilya ang kaniyang problema.

Ngunit sa huli, ang pamilya pa rin niya ang kaniyang naging sandalan.

"Pero mali. Na-realized ko ang ending sa family din ako lumapit. Dapat ganun, unahin yung family niyo kasi sila talaga yung makapag-papagaang ng loob mo," paliwanag niya.

"Kung may problema kayo, sila dapat ang unang makakaalam kasi sila yung makakatulong sa sa'yo at saka siyempre sarili mo," patuloy niya.

Ayon kay Jelai, kailangang tulungan ang sarili para makapagsabi ka ng problema sa mga taong tunay na nagmamalasakit.

Gayunpaman, nilinaw ni Jelai na wala rin namang problema kung sa kaibigan unang magsasabi ng problema.

"Pero kung ako ang tatanungin, family," saad niya.-- FRJ, GMA Integrated News