Napasabak si Tito Boy Abunda sa pag-acting bilang isang leading man nang idirek siya ni Xian Lim sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
Sa episode nitong Huwebes, pinag-usapan nina Tito Boy at Xian ang tungkol sa passion ng aktor sa pagdidirek.
Kuwento ni Xian, nagsimula ito noong 2009 nang makatrabaho niya ang direktor na si Gil Portes at i-cast siya sa pelikulang “Two Funerals.”
“I kept asking him, ‘How does it work? It’s such a magic, seeing the movie it’s so magical, how does it work behind the cameras?” pagtatanong ni Xian sa direktor.
“He was giving me advice na you kind of just have to do it, no one’s gonna teach you. You kind of just have to jump and find the right team,” payo raw ni Cortes kay Xian.
Hanggang sa naging matanong na si Xian at nag-aral ng scriptwriting sa ilalim ni Ricky Lee.
Nakapag-direk na si Xian ng Cinemalaya film na Tabon (2019), pati na ang Wish Ko Lang episode na “Killer Menudo.”
“I’ve always wanted to be an actor… I’ve always been fascinated by actors. Because people, ang akala ng tao napakadaling umarte. ‘Yung para bagang ‘Ay, artista ka lang eh.’ To me that’s pejorative. Hindi po, napakahirap,” pagbabahagi naman ni Tito Boy.
Matapos nito, inaya ni Tito Boy si Xian na idirek siya ng aktor. Nang tanungin tungkol sa naiisip niyang eksena, sinabi ni Tito Boy na gusto niyang maging isang leading man.
Nag-acting si Tito Boy na tila isang matinee idol na hindi mailabas ang kaniyang nararamdaman sa kaniyang nililigawan.
Bigay na bigay sa kaniyang emosyon si Tito Boy sa pag-audition niya bilang artista kay Direk Xian. Pero pumasa naman kaya ang kaniyang acting? Tunghayan sa “Fast Talk with Boy Abunda.” —LBG, GMA Integrated News