Sa segment na "Today's Talk" sa "Fast Talk with Boy Abunda," nilinaw na hindi totoo ang usap-usapang naghiwalay na ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao.
Sa naturang episode nitong Miyerkules, unang tinalakay ng King of Talk ang espekulasyon na nag-away o naghiwalay na sina Rhian Ramos at nobyo nitong kongresista na si Sam Versoza.
Ayon kay Tito Boy, kinausap niya si Rhian at nagsabing hindi na lang magbibigay ng pahayag at sa halip ay bibisita na mismo sa programa.
Sunod naman na talakayan ni Tito Boy ang napabalitang aktres na magbabalik-Kapuso na kinalaunan ay pinangalanan na si Sunshine Dizon.
Ayon sa TV host, totoo ang naturang balita at makakasama si Sunshine sa upcoming Kapuso series na "Mga Lihim ni Urduja," na kabibilangan nina Kylie Padilla at Sanya Lopez.
Kasunod nito ay idineklara ni Tito Boy na "fake talk" ang usap-usapan na buntis si Jinkee at hiwalay na sa asawang si Manny.
Ayon sa TV host, nakausap niya si Jinkee, at sinabi umano na hindi totoo na buntis siya, at hindi rin totoo na hiwalay na sila ng kaniyang mister.
Very much in love umano ang mag-asawa at pinapaimbestigahan nila kung saan nagsimula ang maling impormasyon.--FRJ, GMA Integrated News