May panibagong adventure si "Padre Salvi" sa modernong mundo, na sumakay sa tren ng LRT nang mahuli sila ni Renato sa kanilang paroroonan.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Juancho Triviño, na gumaganap bilang si Padre Salvi sa "Maria Clara at Ibarra," ang pagkainit ng ulo ng pari nang hindi naayos ni Renato, na ginagampanan ni Kiel Rodriguez, ang kanilang oras.
Kasama rin nila si Roven Alejandro, na gumaganap bilang si Don Tiburcio sa series, na nakagayak namang pang-ordinaryong Pilipino.
Sa kaniyang pagsakay sa LRT, namangha si "Padre Salvi" sa bilis ng takbo nito at pakiramdam niyang para raw siyang lumilipad.
Ngunit pagbaba nila ng tren, napagtanto nilang mali ang kanilang destinasyon. Naiwan sila ng tren kaya muli silang naghintay ng panibago.
"Pumalpak nanaman si Renato sa aming calendaryo at kami tuloy ay nahuli sa aming pupuntahan. Pano tayo niyan [mga] kaibigan?" caption ni Juancho.
Kinaaliwan ng maraming netizen ang pinakalatest na "#PSAdventures."
"Kelangan ng sariling spin off show ni PS hahahahaha," ayon sa isang netizen.
"Padre ang alam ko bawal ang maingay jan" paalala naman ng isa pa.
"[B]us naman sa sunod padre!" hiling naman ng isang netizen. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News