Sa "Fast Talk with Boy Abunda," nagkaroon ng rebelasyon si Alden Richards na kamuntikan niyang makatuluyan si Julie Anne San Jose, at humingi siya ng tawad nang iwan niya ito sa ere.
Sa kaniyang panayam kay Tito Boy Abunda nitong Miyerkoles, inamin din ni Alden na kamuntikan niyang makatuluyan noon si Winwyn Marquez, pero hindi ito natuloy.
"For some reason because of work. Busy siya, busy din po ako," sabi ni Alden.
Pero pagdating kay Julie, inako ni Alden na siya ang dahilan kung bakit hindi sila nagkatuluyan, at humingi siya ng paumanhin.
"It was my fault. I decided to, mag-focus na lang talaga muna sa work. Hiningi ko po ng sorry 'yun sa kaniya. It's a long time of naiwan ko po siya."
"I never told anyone this. 'Yung part po kasi kay Julie Anne 'yun ang pinakamabigat," dagdag ni Alden.
Nagkakasama pa sila noon ni Julie sa dating Kapuso variety show na Sunday PinaSaya, ngunit nang mag-iba sila ng tinatahak na landas, hindi na sila nagkausap.
"Seven years, almost ganoon katagal," paglalahad ni Alden.
Ayon sa Asia's Multimedia Star, hinintay niya munang maghilom ang "sakit" sa kanilang mga puso ni Julie.
"Naniniwala po ako na time really heals everything. Mahirap po kasing ipilit eh, na gusto mong magkaayos kayo pero 'yung panahon hindi pa tama kasi sariwa pa ang sugat. At hindi natin madidikta sa puso natin kung kailan gagaling 'yun. It really depends on the person."
Ngunit ngayon, maayos nang muli ang pagkakaibigan nila ni Julie matapos siyang humingi ng tawad.
"Sunday PinaSaya, rehearsal... noong kaming dalawa na lang sa green room ni-lock ko po 'yung pinto and then I talked to her, 'I'm really sorry for what happened, iniwan kita. There's no one to blame but me. Sana napatawad mo na ako,'" kuwento ni Alden.
Nakaramdam si Alden ng kaginhawaan ng kalooban matapos magpaumanhin kay Julie.
"Okay siya kausap that time. Pagkatapos ng usapan na 'yun, may ibang relief sa kalooban na, for the longest time iniiwasan ko rin siya. Pero noong nangyari ang moment na 'yun may dala rin pala ako," anang Asia's Multimedia Star.
"Now, we're very much good friends po," sabi ni Alden. —NB, GMA Integrated News