Kahit na isa nang solo artist, inilahad ni Barbie Almabis na nakakatrabaho at lumilikha pa rin sila ng mga kanta ng kaniyang mga kabanda noon sa Barbie's Cradle.
Sa Bawal Judgemental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa sa naging guest choices si Barbie tungkol sa mga dating band vocalist na naging solo artist.
Mahigit isang dekada mula nang magdesisyong maging solo artist si Barbie, dahilan para ma-disband ang Barbie's Cradle noong 2005.
Gayunman, sinabi ni Barbie na nanatili silang magkatrabaho at bumubuo ng mga awitin ng kaniyang mga dating kabanda, na kabilang sa mga pumatok na single ay "Tabing Ilog" at "Torpe."
"It's been fun, I've been so grateful to still be able to do music hanggang ngayon," sabi ni Barbie na nagsimula rin sa music industry sa mga edad na 18..
"Kahit na solo artist ako, kino-consider ko pa rin naman ang banda kasi I still have the same band with me traveling, writing songs together. Tsaka ang turing ko pa rin sa kanila ay kabanda ko," dagdag niya.
May ilang mga kanta si Barbie na sa pangalan niya lamang ini-release, ngunit sa likod pa rin ng pagbuo nito ang kaniyang mga kabanda.
"Pero 'yung process ng paggawa ng music, pag-record, for me talagang collaboration siya eh. Hindi ko siya kayang gawin na mag-isa lang, nag-e-enjoy ako na may kasama ako. So hanggang ngayon may banda pa rin ako," saad niya.
Ngunit bilang solo artist, may bahagi ring nasa kaniya ang huling pagdedesisyon.
"Ang final decision nasa iyo, but like I said collaboration pa rin siya, so I really value 'yung thoughts, ideas, not just my band, but 'yung road manager ko. Minsan may things sila na nakikita na hindi ko nakikita, so nagko-consult din talaga ako sa kanila," paliwanag niya.
Kabilang sa mga naging miyembro ng Barbie's Cradle sina Franklin Benitez, Wendell Garcia, Rommel dela Cruz at Kakoy Legaspi.-- FRJ, GMA Integrated News