Mapapanood na si Boy Abunda sa kaniyang show na "Fast Talk With Boy Abunda" simula sa Lunes, Enero 23. At magiging panauhin niya sa pilot episode, ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing mapapanood ang "Fast Talk" sa ganap na 4:05 p.m., mula Lunes hanggang Biyernes.
"Excited! Looking forward. Hindi ko alam ang mangyayari, pero naghahanda kami. I am blessed with hardworking, competent, creative production people. It makes a lot of the job easier," sabi ni Boy.
Binisita ng GMA Integrated News ang dry run ng talk show bago ang pilot episode nito sa Lunes.
Bukod kay Marian, kasama rin ang iba pang malalaking pangalan na makakakuwentuhan ni Boy na sina Alden Richards, Bea Alonzo, Glaiza De Castro at Paolo Contis.
"Tatanggapin ko 'yun. Pine-pressure ko ang sarili ko, because gusto kong maging worthy ng oras na ibibigay sa akin ng audience ko. Hihiram kami ng 20 minutes ng kanilang hapon. It has to be worth it," anang King of Talk.
"But I have five days a week. So kung merong kwentuhan na hindi matatapos in 20 minutes, may bukas naman eh. Eh 'di ipagpatuloy natin. I think it's tactical based on the attention span ng tao, based on ano rin ang landscape cognizant of the various platforms," sabi ni Boy.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News