Matapos magharap sa NCAA Season 98 finals, muling nagtuos ang Colegio de San Juan de Letran Knights at De La Salle-College of Saint Benilde Blazers sa GMA game show na "Family Feud Philippines."

Kung pinataob ng Letran ang Saint Benilde sa dikdikang finals ng NCAA, sa "Family Feud," bumawi ang Blazer at tinampakan sa puntos ang Knights sa apat na round ng game show.

Naglaro para sa Letran ang NCAA Finals MVP na si King Caralipio, kasama sina Tommy York Olivario, Louie Sangalang, at Kurt Reyson.

Sa tropa ng Blazers, naglaro sina JC Cullar, Robi Nayve, Jimboy Pasturan, at Cris Flores.

Sa unang tatlong round, nakuha ng Blazer ang lahat ng puntos na may kabuuang 233, habang zero naman ang Knights.

Sa huli at ikaapat na round, nakuha pa rin ng Blazer ang tatlo sa apat na tamang sagot sa tanong na: "anong bagay ang inihahagis na kinukuha ng aso."

Umabot na sa 285 ang puntos sa ikaapat na round pero nagmintis ang Blazer na makuha ang huling tamang sagot.

Kaya naman nagkaroon ng pagkakataon ang Knights na ma-steal ang 285 point, at manalo pa sana dahil masasapawan nito ang 233 points ng Blazer.

Pero gaya ng mala-buzzer beater shot na sagot, sumablay ang Blazer sa kanilang sagot na "laruan," at lumabas na tsinelas ang huling tamang sagot.

Dahil dito, napunta pa rin sa Blazer ang puntos para sa kabuuang 518, habang nanatiling zero naman ang Knights, na nag-uwi ng P50,000 premyo.

Ang Blazer naman ang nakakuha ng P100,000 na premyo, at naglaro sa jackpot o fast money round kung saan puwede pa silang manalo muli ng P100,000.

Magtuloy-tuloy kaya ang tagumpay ng Blazer? Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News