Itinuturing ni Lexi Gonzales na big break sa kaniya ang bagong GMA Afternoon Prime series na "Underage," na isa siya sa tatlong babaeng bida, kasama sina Hailey Mendes at Elijah Alejo.
Kabilang si Lexi sa mga produktor ng reality-based artista search ng Kapuso Network na StarStruck Season 7 na umere noong 2019.
Sa ulat ng PEP.ph, aminado si Lexi na hindi niya maiwasan na kabahan sa kalalabasan ng show na "Underage" na nagsimulang ipalabas nitong Lunes.
"Aminado po ako na kinakabahan po talaga ako sa magiging outcome ng buong show," sabi ng aktres sa ginananap na online mediacon kamakailan.
"Pero nandun naman po ang tiwala. Lahat po kami really worked hard for the show," saad niya. "And with that, yun na lang po ang pinanghahawakan ko na it’s going to be a good show.
Sabi pa ni Lexi, "Even though nandun ang kaba, pinanghahawakan ko na lang po na we did a great show and I’m excited for everyone to see it.”
Kasama rin sa "Underage" ang real-life boyfriend ni Lexi na si Gil Cuerva. Ayon sa dalaga, masaya siya malaking bagay na magkatrabaho niyang muli ang nobyo.
"Nandun naman ang tiwala ko sa kanya kaya happy ako na nakasama ko siya rito sa show. Kasi, ang laking tulong na nandiyan siya for me," ani Lexi.
"With everyone that is new in my life, at least, there’s one person who’s already a constant," dagdag pa ni Lexi. --FRJ, GMA Integrated News