Pinabulaanan ni Jonas Gaffud ang usap-usapan na iniwan niya at team ng Miss Universe Philippines si Celeste Cortesi matapos ianunsyo sa naturang international pageant ang Top 16 at hindi nakapasok ang pambato ng Pilipinas.
Sa panayam ng Pep.ph, nilinaw ng creative at events director na si Celeste mismo ang humiling na makasama ang mga mahal nito sa buhay matapos na hindi na umusad sa susunod na round ng kompetisyon.
“Immediately after the semifinals announcement, I was messaging directly with Celeste,” ani Jonas. “She asked if she could spend time with her mom and [boyfriend] Mathew after the pageant.”
“The case usually is that they have to be in the Miss Universe bus to go back to their hotel. But Celeste decided to be with Mathew, her friend Benj, and her mom,” patuloy niya.
Ayon kay Jonas, bumalik na siya sa kaniyang hotel matapos nito para asikasuhin ang mga kailangan niyang ayusin.
Ginawa ni Jonas ang paglilinaw matapos lumabas ang video sa Tiktok na makikitang umiiyak si Celeste kasama si Mathew, ang ina at ilang kaibigan.
Saad sa komento ng ilang netizen, dapat nandoon din ang Miss Universe Philippines organization.
Maging si Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa, may nilinaw tungkol sa pahiwatig ng ilang netizen na umalis din kaagad siya sa pageant.
“Sobrang walang comprehension ng mga tao hee,” aniya. “Pa’no ko po iiwan si Celeste. Nandiyan siya sa backstage ’til the pageant ends. Wala po pwedeng umalis.”
“‘Di rin po ako pwede sa backstage. Anong gagawin ko? Juswa kayo! Ayan, zinu-zoom in ko pa siya,” dagdag ni MJ.
Ang Miss USA at Filipina-American na si R’Bonney Gabriel ang itinanghal na Miss Universe 2022.
Matapos ang pageant, ibinahagi ni Celeste inspirational quote mula sa American author na si Bianca Sparacino tungkol sa paghahanap ng tunay na kasiyahan.
"One day, you will understand that happiness was always about learning how to live yourself, that your happiness was never in the hands of others. It was always about you," saad sa bahagi nito. — FRJ, GMA Integrated News