Nagbigay ng kasagutan si "Padre Salvi" tungkol sa mga ipinagtataka ng netizens kung dulot ng stress ang kaniyang pagkapanot, at kung bakit tila lagi siyang may eye bags.
Sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles, naging panauhin si Juancho Triviño, na wagi kamakailan bilang Best Supporting Actor sa 2022 TAG Awards dahil sa pagganap niya bilang ang kinaiinisang si Padre Salvi sa "Maria Clara at Ibarra."
"I've done a lot of projects sa 10 years ko sa industriya and I never had the skill. So hindi ko in-expect. Kasi nag-primetime na rin ako before and it is different, it's a lot different. 'Yung attention at saka 'yung notoriety na nakukaha namin dito as a whole is totally different talaga," sabi ni Juancho tungkol sa pagtanggap ng viewers sa "Maria Clara at Ibarra."
Sinulit din ni Juancho, na naging host din sa "Unang Hirit," na makipagkulitan sa hosts nito at umarte bilang si Padre Salvi.
Dito, sinagot ni "Padre Salvi" ang ilang katanungan sa kaniya ng netizens, tulad ng kung dahil sa stress ang kaniyang pagkapanot.
"Sadya po ang buhok ko na iyon. 'Yun po ay tawag na tonsure, at ginagawa po talaga sa mga sugo iyon," paliwanag ng padre.
"Nais kong malaman ng lahat na hindi ako napapanot. Sadya namin ni Renato 'yon," dagdag niya.
Hindi rin pinalampas ng netizens na magtanong tungkol sa kaniyang eye bags, na mala-ube sa laki.
"Muli, hindi ko batid ang inyong mga pinagsasasabi. Para sa akin ang aking mukha ay perpekto, at wala akong nakikitang mali at wala akong nakikitang mga ube na pinagsasasabi niyo," sabi ng padre.
Mapapayag kaya ang kura ng San Diego na kumasa sa Ting Ting Tang Tang challenge? Tunghayan sa "Unang Hirit." —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News