Magsasagawa ng Summer film festival ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Abril bilang suporta sa mga pelikulang Filipino.
Ayon sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Martes, tatakbo ang naturang summer edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) mula April 8 hanggang 18 sa mga sinehan.
Inihayag ni MMDA at MMFF overall chairman Romando Artes, magsasagawa rin ng Parade of Stars at awards night.
Katuwang ang Cinema Exhibitors Association of the Philippines, layunin ng film festival na mahikayat ang mga Pinoy na tangkilikin ang local films.
“At this Summer Film Festival, atin pong magiging theme ay ‘Tuloy-tuloy ang Saya’ and hopefully, maging tradition din ito tulad ng December MMFF,” ayon kay Artes.
Para sa mga producers at filmmakers na nais makasali sa festival, maaari silang magsumite ng kanilang film entries hanggang sa February 17.
Ang taunang MMFF ay idinaraos tuwing Disyembre 25, at may walong pelikulang Pinoy na kalahok. Sa panahon ng mahigit isang linggong filmfest, walang dayuhang pelikula na ipinapalabas sa mga sinehan, partikular sa Metro Manila.— FRJ, GMA Integrated News