Sinundan ni Mikhail Red ang yapak ng kaniyang ama sa pagiging direktor din na si Raymond Red. Nakararamdam kaya siya ng pressure bilang anak ng direktor na isa sa mga pioneer ng modern Filipino alternative cinema?

Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," natanong si Mikhail tungkol sa mga alaala niya noong bata pa siya at nakikitang gumagawa ng mga proyekto ang kaniyang amang si Raymond, na kabilang sa mga naging proyekto ay tungkol sa mga bayani.

"Very interesting na 'yung pinaka-active, well, full length feature films, kasi medyo may certain phase 'yung dad ko no parang every five years lang siya gumagawa ng feature films. So when he was very active 'yung mga Bayani, Sakay, Kamada nu'ng 90s, mga historical epics, I was still a little kid, so wala ako maalala like hindi ako pumunta sa set," tugon niya.

Ayon kay Mikhail, hiniling ng kaniyang ama na hindi sila makikialam sa mga proyekto ng bawat isa bilang mga direktor.

"Siguro 'yung first experience ko on set was mga TV commercials na shinu-shoot niya. Pero ayun we make it a point rin na siya rin, he insist na we don't really interfere with each other's work and craft," pagbahagi niya.

Mas pinagtuunan na raw ng kaniyang ama ang mga TVC, samantalang nahilig siya sa paggawa ng mga pelikulang may international market.

"Medyo naging iba na rin direction namin, mas nag-TVC siya, advertising and then every now and then he makes like a passion project na feature film. Ako parang I really fell in love with film making," sabi ni Mikhail na direktor ng "Deleter" na kabilang sa mga pelikulang kalahok ngayon sa Metro Manila Film Festival na pinagbibidahan ni Nadine Lustre.

"'Yung fun of that process of creating movies na may wide appeal pero it has the capability pa rin na may international market na kayang i-export. So may ganu'n na certain subject and polish to it na na e-enjoy namin gawin ng brother ko, ng collaborators ko," patuloy niya.

Ayon kay Mikhail, hindi naman siya nakararamdam ng pressure na maging anak ng isang sikat na direktor. Aniya, ibang kapanahunan na rin naman ngayon ang paggawa niya ng mga pelikula.

"I think wala naman [pressure]. Kasi parang 'yun nga very different, and ibang era na rin eh, streaming, 'yung Netflix films parang ibang flavor. May ganu'n kaming very wide appreciation of what cinema is, and cinema can be. Ayaw namin lagyan ng labels or anything, mainstream or art house or indie. It’s more of like we just enjoy the process of film making," paliwanag  ng direktor.

"We watch all kinds of films. Like when I'm in a film festival, we would watch 'yung mga nasa competition with us na very you know mas European subtitle foreign films. And when were here, I'll watch the MMFF entries and then I'll watch Hollywood films, I'll watch Squid Game on streaming. We just love films in general as a family, so ang sarap lang na were surrounded by that and exposed sa cinema, na a-appreciate namin," sabi pa niya.

Napanood na raw ng kaniyang ama ang "Deleter" na humakot ng mga parangal sa 2022 MMFF.

"Ininvite ko siya doon sa one of our early screening, 'yung industry screening, so it’s a screening for like mga critics and film makers. He was there, natuwa naman siya, although siya kasi mas hindi yata siya mahilig sa horror. I mean hindi dahil natatakot siya pero more on mas crime thrillers, so na e-enjoy niya ang mag crime thrillers ko," ayon kay Mikhail.

Ang "Deleter" ay kuwento ni Lyra, na nagtatrabaho sa isang madilim na online content moderation office kung saan sinasala ng mga empleyado na tinatawag na "deleters" ang graphic uploads sa mga social media.

Kabilang sa mga nakuhang award ng "Deleter" ay Best Picture, Best Cinematography, Best Sound, Best Visual Effects, Best Editing, Best Director, at Best Actress para kay Nadine.--FRJ, GMA News