Inihayag ng awtoridad sa Washoe County, Nevada ang nangyaring aksidente sa Hollywood actor na si Jeremy Renner, na dahilan para malagay sa alanganin ang kaniyang buhay. Ang aktor na kilala bilang si "Hawkeye" sa "Avengers" movie, nagulungan ng kaniyang traktora na pistenbully na may bigat na 14,000 pounds.

Sa ulat ng Reuters, inihayag ni Washoe County Sheriff Darin Balaam sa pulong balitaan, na nangyari ang insidente kay Jeremy, 51-anyos, noong bagong taon sa bahay ng aktor.

Ginamit umano ni Jeremy ang traktora para makuha ang isa nitong sasakyan matapos ang malakas na buhos ng snow.

"After successfully towing his personal vehicle from its stuck location, Mr. Renner got out of his pistenbully to speak to a family member. At this point, it's observed that the pistenbully started to roll," ayon kay Balaam.

"In an effort to stop the rolling pistenbully, Mr Renner attempts to get back into the driver's seat of the pistenbully. Based on our investigation, it's at this point that Mr Renner is run over by the pistenbully," patuloy ng opisyal.

Wala naman nakikita foul play ang awtoridad sa nangyaring insidente.

Isinugod sa ospital ang aktor, at kinalaunan ay inoperahan.

Batay sa inilabas na pahayag ng kaniyang publicist na si Samantha Mast, nagtamo si Jeremy ng “blunt chest trauma and orthopedic injuries.”

"Critical but stable condition" umano ang kalagayan ng aktor na nasa intensive care unit.

Nitong Miyerkules, nag-post si Jeremy ng larawan niya habang nasa ospital.

Sa larawan ni Jeremy, mayroon siyang oxygen tubes sa ilong at kapansin-pansin ang galos at pasa sa mukha.

"Thank you all for your kind words. Im too messed up now to type. But I send love to you all," saad ng aktor sa caption.

Nangyari ang sakuna kay Jeremy matapos ang matinding snowfall sa lugar.

Tulad ng pamosong linya naman sa “Avengers, assemble!” sa "Avengers: Endgame" movie, nagsanib-puwersa ang mga kasama sa naturang pelikula para magpahayag ng suporta sa kaniya.

Kabilang dito ang Russo Brothers na direktor ng “Avengers: Endgame.”

Nagkomento rin sina Chris Hemsworth (Thor), Chris Pratt (Peter Quill), at Chris Evans (Captain America), na nagsabing “tough as nails” ang tibay ni Jeremy. --FRJ, GMA Integrated News