Nagbigay ng update si "Hawkeye" star Jeremy Renner tungkol sa kaniyang kalagayan matapos maaksidente habang nag-aalis ng snow gamit ang kaniyang makina sa Nevada.
Sa kaniyang Instagram, nagbahagi si Jeremy ng kaniyang larawan na naka-oxygen tube at may mga pasa sa mukha habang nagpapagaling sa intensive care unit (ICU).
Ayon kay Jeremy, "too messed up now to type" ang kaniyang kondisyon kaya hindi na siya nakapag-iwan pa ng mahabang mensahe.
Gayunman, pinasalamatan niya ang lahat ng nagmamahal at sumusuporta sa kaniya na ipinapanalangin ang kaniyang paggaling.
"Thank you all for your kind words. ????. Im too messed up now to type. But I send love to you all," sabi ni Jeremy.
Sa nakaraang ulat ng Reuters, inihayag ni Samantha Mast, publicist ng aktor, na nagtamo ng "blunt chest trauma and orthopedic injuries" si Jeremy.
"Critical but stable" umano ang kalagayan ni Jeremy sa isang ospital sa Nevada.
Nag-aalis umano ng snow ang aktor nang mangyari ang insidente.
Sa inilabas na pahayag ng Washoe County Sheriff's Office, sinabi nito na rumesponde sila sa isang "traumatic injury in the area of Mt. Rose Highway in Reno, Nevada" noong Linggo dakong 9 a.m.
Ang aktor lang umano ang sangkot sa insidente at dinala sa isang "local area hospital in a care flight."
Ayon sa ulat, batay sa Reno Gazette Journal, may bahay ang 51-anyos na si Jeremy sa Washoe County, Nevada. Noong bisperas ng Bagong Taon, nagkaroon ng matinding snowfall sa northern Nevada.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News