Inabutan marahil ng kaba si si David Licauco, o si "Fidel" ng "Maria Clara at Ibarra," nang makalimutan niya ang Tagalog ng "cow" na pinahulaan sa "Pinoy Henyo" segment ng "Eat Bulaga."
Sa naturang episode, katambal ni Fidel, karakter ni David, sa pagsalang sa jackpot round ang brainstormer ng "Maria Clara at Ibarra," na si Melchor Escarcha.
Tinalo nila sa elimination round ang "Running Man Philippines tandem nina Buboy Villar at Kokoy De Santos. (WATCH: Buboy Villar, napasigaw, napatalon, at tumambling sa tuwa sa 'Pinoy Henyo)
Sa jackpot round, nagpalitan ng paghula at pagsagot sina David at Melchor sa loob ng tatlong minuto.
May isang salita na nahulaan si David na "Fruit Salad," habang hirap makahula si Melchor na nag-pass na dahilan para si David muli ang manghula.
Magagawa na sana nilang makasagot pa ng isa si David dahil tama na clue na "cow" pero kailangan niyang tagalugin ito dahil "baka" ang salitang nakasulat.
"Cow 'di ba. So Tagalog nu'n... Ano Tagalog nu'n?" ilang beses na naitanong ni David, hanggang sa maubusan na sila ng oras.
Naunawaan naman ng ilang netizens si David dahil batid nilang nakakakaba kapag tunay na nakasalang na sa Pinoy Henyo at may time limit ang pagsagot. --FRJ, GMA Integrated News