Tiniyak ng direktor ng inaabangang Kapuso live-action series na "Voltes V: Legacy" na hindi makagugulo sa pangunahing istorya ng serye ang love story ng ilang pangunahing karakter.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinaliwanag ni direk Mark na kasama sa ginagiliwan ng mga kabataan noon ang love story flavor ng ilang karakter.
Pero kailangan din umano ito sa ngayon kung saan mas makikilala pa raw ang katauhan ng bawat ng karakter.
Ginawa niyang halimbawa sina Steve Armstrong [Miguel Tanfelix] at Jamie Robinson [Ysabel Ortega]. Gayundin sina Zardoz[Martin del Rosario] at Zandra [Liezel Lopez].
"Imagine mo your in love with someone and your fighting do you risk her life? And then there's deeper love story between Zandra her blind devotion to Zardos," ani direk Mark.
Sa mega trailer, nakita rin ang karakter nina Ned Armstrong [Dennis Trillo] at asawa nito na si Mary Ann Armstrong [Carla Abellana], ang mga magulang nina Steve, Big Bert [Matt Lozano ] at Little Jon [Raphael Landicho].
Ayon kay direk Mark, hindi mawawala ang love sa human story na inilagay nila sa live action version ng sikat na anime series.
"If you watched the anime, it's a soap [opera]," saad niya sa presscon. "That's why I guess it's close to Filipinos because there's a heart to it; there's a familial storyline."
Ipapaliwanag din umano sa istorya kung bakit napabilang ang batang si Little Jon na isa sa mga piloto ng mega robot.
"If there is a love story, there is a bigger stake," dagdag niya.
Tiniyak din ang mabusising paggawa at research sa mega robot at maging ang mismong istorya ng Voltes V.--FRJ, GMA Integrated News