May dalawa nang offer sa Hollywood ang aktres na si Dolly De Leon matapos siyang manomina bilang Best Supporting Actress sa Golden Globe Awards dahil sa mahusay niyang pagganap bilang si Abigail sa pelikulang "Triangle of Sadness."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hindi naiwasan ni Dolly na makaramdam ng pressure sa tuwing maiisip niyang umaasa ang mga Pinoy, lalo ang movie industry, na makukuha niya ang tropeo.
Ngunit naiisip ni Dolly ngayon na hindi siya dapat ma-pressure dahil makukuha niya ang award kung talagang para sa kaniya ito.
"Alam mo 'yung feeling ko na parang madi-disappoint ang maraming tao kapag hindi. Pero ngayon nandoon na ako sa place na I wanna make the most of this. Minsan lang ito mangyari sa buhay ko. Hindi naman natin alam kung mauulit ito eh, so I'm really just enjoying it," sabi ni Dolly.
Sa Sabado na ang lipad ni Dolly pa-Hollywood at dala niya ang ilang gowns na ginawa ng ilang Filipino designers.
Walang nakahandang speech si Dolly kung manalo, pero may mga gusto siyang sabihin at siguradong magpi-Filipino siya.
"Pasasalamat ko na wine-welcome na ng Golden Globes ang representation, na diverse na ngayon ang casting, na hindi lang laging naka-focus sa isang particular ethnicity," sabi ni Dolly.
"Pangalawa is that kahit gaano ka kaliit na tao, puwede kang umangat kung talagang ang focus mo is hindi lang sa hard work pero 'yung excellence," dagdag ng film actress.
May dalawa na siyang offer sa Hollywood at may mga pamantayan din siya sa tatanggaping proyekto.
"Doon ako nae-excite eh, 'yung sa pag-explore ng iba't ibang characters. Pangalawa 'yung script, anong klaseng storya ba 'yon, meron ba siyang maiko-contribute sa society. Pangatlo is 'yung filmmaker. Importante sa akin kung sino 'yung katrabaho. Pang-apat 'yung actors," sabi ni Dolly.
Binigyan ng intimate send-off dinner ng Film Development Council of the Philippines si Dolly, kung saan present sina FDCP chairman Tirso Cruz III, direk Jose Javier Reyes at iba pang kaibigan at kasamahan ni Dolly sa entertainment industry.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News