Patuloy na nagpapagamot sa Amerika dahil sa kaniyang autoimmune diseases si Kris Aquino. Napansin naman ng ilang netizens at natuwa na tila bumubuti ang kaniyang kalagayan at nadagdagan na ang kaniyang timbang, batay sa mga larawan na ipinost ng kaniyang kaibigan.
Sa Instagram, nag-post ng mga larawan si Batangas Vice Governor Mark Leviste, habang ka-bonding niya sa US ang Queen of All Media kasama ang mga anak nito na sina Josh at Bimby.
"Spending the first day of the year with the Queen," simpleng caption ng bise gobernador.
Napansin ng mga netizen na tila bumubuti na ang kalagayan ni Kris.
"I am so grateful to see Kris improve a lot and thank you Mark for always being there for Kris," komento ng isang netizen.
"So so happy to see Ms. Kris looking so much better now. We’re praying always for your complete healing and recovery. Praise the Lord for the well-being of your family esp Joshua and Bimb," saad naman ng isa pa.
"[W]ow she looks better now and happy to see her improve na body condition ni ms kris," ayon sa isa pang netizen.
Maging talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, napansin na nadagdagan ang timbang ng TV host-actress.
"Kris is gaining weight! Mabisa ang dasal ng mga nagmamahal sa kanya, so keep on praying!," sabi ni Ogie sa caption sa larawan.
Sa mga naunang post, inihayag ng isang doktor, natuklasan na Eosinophilic Granulomatosis with Polyangiitis o EGPA, na dating kilala bilang Churg-Strauss Syndrome, ang kondisyon niya.
Ang EGPA ang nagdudulot ng asthma, weight loss, gastrointestinal intolerances, at fluctuating blood pressure, na pumigil sa kaniyang makabiyahe noon.
Binigyan si Kris ng steroids for treatment, pero nagkaroon ito ng hindi magandang reaksiyon sa kaniyang katawan at allergic ang aktres sa ilang gamot.
Kaya kailangang bumiyahe si Kris sa abroad para sumailalim sa Nucala (Mepolizumab), isang uri ng non-steroid EGPA treatment na sa Amerika lang mayroon, at ang isa pang gamot na Rituxan (Rituximab).
“The subsequent 9-12 months will be crucial for us to see if she can achieve remission and continue the regimen further,” saad sa post.
Noong Christmas Eve, nag-post si Kris ng pasasalamat sa lahat ng nagmamalasakit sa kaniya kahit “ocean apart” ang layo nila.
Sa latest update ni Kris sa kaniyang pagpapagamot sa US, sinabi niya na back to square 1 sa tinatayang “more than 18 months of diagnosis [and] treatment."
--FRJ,GMA Integrated News