Ikinuwento ng "The Magician" na si Efren 'Bata' Reyes na limang-taong-gulang lang siya nang dalhin siya ng kaniyang ama sa Maynila mula sa Pampanga. At pagdating niya sa Maynila, bilyaran agad ang natungtungan niya.
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," inihayag ni Efren na nagmula siya sa Mexico, Pampanga, at dinala siya ng kaniyang ama sa Maynila noong limang taong gulang siya.
Pagkalipas ng tatlong taon, sa edad na walo, nagsimula nang maglaro ng bilyar si Efren.
"Kasi nu'ng una, nu'ng nakarating ako dito sa Manila, bilyaran na agad ang natungtungan ko. Doon na ako natutulog sa bilyaran. Kaya wala akong magawa kung hindi magbilyar, maglaro," kuwento niya.
"'Yun lang ang nalalaman ko eh, takot ako lumabas eh. Kaya nakikita ko naman sa mga naglalaro dito sa tiyuhin ko, maraming naglalaro, ginagaya ko na lang sila, ayun hanggang natuto ako doon," patuloy niya.
Bukod sa paggaya sa mga diskarte ng mga manlalaro, may isa pang paraan daw kung paano natuto si Efren na magbilyar.
"May nagturo sa akin, 'yung panaginip," anang The Magician.
"Habang natutulog ako, nananaginip ako na tinuturuan ako kung papaano pumorma. Pero 'yung mga tirahan, napulot ko lang 'yun sa mga naglalaro," sabi pa niya.
Noong kaniyang kabataan, hindi pa raw uso ang mga tournament sa bilyar. Pero dahil sa husay niya, may mga nagsasama sa kaniya sa ibang lugar para lumaban.
"May nakakita sa akin na mga tao kung saan-saan nanggagaling, nakikita 'yung laro ko, magaling. Gusto nila dalhin nila ako sa ibang lugar para lumaban ako," sabi ni Efren.
Sa Houston, Texas noong 1985 ang unang tournament na sinalihan ni Efren at nagwagi siya.
"Hindi ko alam na aabot ng ganito. Hindi ko alam na ang bilyar ay magiging national sport. Ang alam ko nga rito binabawal pa nga rito eh, akala nila itong bilyar pakanto-kanto lang. Hindi ko alam na magkaka-gano'n," pahayag ni Efren na 60 taon nang naglalaro ng bilyar.
Magmula noon, sunod-sunod na ang pagdadala ng karangalan ni Efren para sa bayan sa larangan ng bilyar.
"Hindi ko alam na ang dami palang sumusuporta sa amin dito, na inaantabayanan kami para makabalik, 'yung pagkapanalo ko noong 1999," pahayag niya. --FRJ, GMA Integrated News