Umaasa si Boy2 Quizon na may mapupulot na aral ang mga tao--lalo na ang mga nais magtayo ng negosyo-- sa pagsubaybay sa kinabibilangan niyang Kapuso series na  "Start-Up Ph," na magtatapos na mamayang gabi.

"Never give up. If you have a vision, meron kang gustong gawin sa buhay, you never give up," saad ng aktor sa panayam ng GMANetwork.com.

Ginampanan ni Boy2 sa serye ang karakter ni Wilson Espiritu, isa sa mga nagtayo ng Three Sons Tech, kasama ang mga kaibigan niyang sina Davidson Navarro (Jeric Gonzales) at Jefferson Katipunan (Royce Cabrera).

Nagsimula sa pangarap ang itinayo nilang technology business hanggang sa nabigyan ng pagkakataon na maipakita nila ang kanilang husay at nagtagumpay.

Ayon kay Boy2 tungkol sa kanilang mga karakter, mahuhusay ang tatlong magkaibigan pero hindi lang nila alam sa umpisa kung papaano ito isasagawa. Gayunpaman, hindi sila nag-give up.

Bukod sa hindi dapat sumuko, sinabi ni Boy2 na, "Sometimes, you also have to adapt, like when si Alden [Richards] (Tristan Hernandez), who saved us, you have Bea's [Alonzo] character na nung umpisa, pinagdudahan pa namin dahil hindi pala naka-graduate, 'di ba?”

"Ang nangyari nung tinanggap namin 'yung mga role namin, or 'yung mga tao na mas makakabuti para sa amin, pinaniniwalaan pa rin namin. Naniwala sila sa amin so dapat paniwalaan natin na, tayo na 'to, kung ano ang masmagandang version natin,” patuloy niya.

Kaya payo ng aktor, huwag susuko kung may plano at nais gawin sa buhay.

"Kahit gago-gago lang kayo or something or whatever, basta may pinanghahawakan kayo, may pinaniniwalaan kayo, [ituloy niyo lang]," saad niya.

Mapapanood ang finale episode ng "Start-Up Ph" mamayang gabi pagtakatapos ng "Maria Clara at Ibarra."--FRJ, GMA Integrated News