Kilala sa kaniyang pagiging bowling world champion, inihayag ni Rafael "Paeng" Nepomuceno na minsan din niyang pinangarap na maging basketbolista at nag-tryout sa isang kilalang unibersidad.
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," tinanong si Paeng kung may nag-alok ba sa kaniya na sumabak sa ibang sports gaya ng basketball o volleyball dahil na rin sa kaniyang tangkad.
"When it comes to other sports, jack of all trades ako. Mahilig talaga ako sa sports," sabi ni Paeng, sabay ng pagkuwento na nag-tryout siya noon sa basketball sa La Salle.
"May aspiration din akong maging basketball player. Center ako noon, kaya lang I didn't have the skill for it," ayon kay Paeng na hanggang reserve lang siya.
Biro ni Paeng, sumama ang loob niya nang hindi makapasok sa basketball kaya ibinuhos na lang niya ang atensiyon sa bowling.
"I like [basketball] pero walang hilig sa akin ang basketball," sambit pa niya.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat si Paeng sa Diyos dahil "I was at the right sport at the right time."
Sinabi rin ni Paeng na hindi kailangan na maging matangkad pagdating sa bowling. Kung tutuusin, maituturing umano na disadvantage ang matangkad sa bowling.
"'Pag bowling, hindi advantage ang height. In fact disadvantage kasi bababa ka talaga nang mababa sa lane," paliwanag ni Paeng patungkol sa pagbitiw ng bowling ball papunta sa pin.
Hiniling din ni Nepomuceno na masuportahan pa sana ng gobyerno ang naturang sports.
"Sana mabigyan, more support ang bowling, the sports that does not require height. Doon tayo magaling mga Pilipino eh, 'yung hindi kailangan matangkad, katamtamang lakas, maganda ang skill. Sana more Filipinos get into sports, not only bowling, but other sports na kaya nating mag-excel," saad niya.-- FRJ, GMA Integrated News