Naging makapigil-hininga ang pagsalang ng team "I-Witness" sa jackpot round ng "Family Feud Philippines" matapos na 22 points pa ang kailangan nila para makuha ang 200 points upang manalo ng dagdag na P100,000 sa "Fast Money" round pero isang tanong na lang ang natitira.

Sina Kara David at Mav Gonzales ang sumalang sa "fast money" round kung saan puwedeng manalo ng dagdag na P100,000, maliban pa sa P100,000 na una na nilang napanalunan.

Kasama rin sa team sina Atom Araullo, at Sandra Aguinaldo.

Habang Team PGAG o mga content creators ang nakalaban ng mga batikang GMA broadcast journalist.

Unang sumalang sa fast money round si Kara at nakakuha siya ng total points na 100, bagaman may isang sagot siya na five points lang ang katumbas.

Nang si Mav na ang sumagot, "zero" kaagad ang puntos niya sa unang tanong na nagpakaba marahil sa team. Pero nakabawi siya sa ikalawang tanong nang makuha niya ang top answer na may 39 points.

Isang tanong na lang ang natitira at 22 points pa ang kailangan ng team para makuha ang 200 points, at ang kabuuang premyo na P200,000.

Ang huling tanong: Ano ang ayaw mong tumalsik sa mukha mo?, at "putik" ang isinagot ni Mav. Panoorin kung umabot kaya ang puntos ng team "I-Witness." --FRJ, GMA Integrated News