Inihayag ng public historian na si Xiao Chua ang kaniyang paghanga sa mga lumikha ng "Maria Clara at Ibarra," matapos niyang makita sa series ang kapangyarihan ng Noli Me Tangere na pukawin ang damdamin ng mga Pilipino.
Sa "The Howie Severino Podcast," inilahad ni Chua na may mga nagbalak na rin noon na gumawa ng rendisyon ng mga nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, at kinukuha siyang consultant. Gayunman, may mga pag-aalinlangan siya kung muli lamang itong isasadula ngunit walang bagong atake.
Pero natuwa si Chua sa napapanood niya sa "Maria Clara at Ibarra."
"Noong pinapanood ko itong Maria Clara at Ibarra, I know already the Noli Me Tangere, but I still enjoy it. Kasi meron kang pinadalang tao from the present, tapos wala siyang ginawa kundi magsabi ng modern words na kung ano-ano. 'Yung modern context dinadala niya sa novel, tapos bigla, nilalabanan niya itong mga ito, nag-struggle siya."
Ayon kay Chua, nirerepresenta ni Klay ang mga modernong Pilipino na sinusubukang maunawaan ang ating nakaraan.
"Si Klay, naging tayo. When we struggle to understand the Noli and El Fili, that's the struggle that she's having also. By trying to struggle bakit ganoon sila mag-isip, bigla niyang naiintindihan, tapos tayo naiintindihan natin."
Dagdag pa ni Chua, nararamdaman ng mga nanonood sa kanilang pagsubaybay sa series ang naramdaman din noon ng mga Katipunero noong una nilang mabasa ang Noli Me Tangere.
"Noong unang binabasa ng mga Katipon o ni Andres Bonifacio ang Noli Me Tangere, tapos galit na galit sila roon sa mga character kasi first time na pumapasok sa kanila 'yon at 'yun ang nangyayari sa kanila, bigla na-realize ko while watching Maria Clara at Ibarra, that's the same feeling that they had."
"Si Klay ang mata natin, si Klay ang puso natin doon, and Klay has become us, and that's why we can relate to everyone now," dagdag ni Chua.
Pag-amin ni Chua, may mga bahagi na nagiging emosyonal siya kapag pinanonood ang hit historical portal fantasy series.
"Walang episode, 'yung recent episodes, walang episode na hindi ako umiiyak. There's always something that will touch me, naiiyak ako. And talagang dito ko makikita, ito pala 'yung power of the Noli and the El Fili sa mga unang nakabasa noong una. That was the gift. Kasi I'm a historian, I'm jaded already about it. I'm jaded already. I don't feel it anymore. I just know... But Maria Clara and Ibarra made the Noli Me Tangere and El Filibusterismo something of an emotional thing for me."
Inihayag ni Chua ang kaniyang paghanga kay GMA creative consultant and headwriter Suzette Doctolero, na isa mga nasa likod ng Maria Clara at Ibarra.
Ang Maria Clara at Ibarra ay kuwento ng Gen Z na si Maria Clara o Klay Infantes, na mahiwagang nakapasok sa mundo ng Noli Me Tangere, kung saan nakilala niya ang bida nito na sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara.
Ginagampanan ni Barbie Forteza si Klay, Dennis Trillo bilang si Crisostomo at Julie Anne San Jose bilang si Maria Clara. — VBL, GMA Integrated News