Nasa kostudiya na ng Taguig City Jail at wala na sa poder ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor at television host na si Vhong Navarro.
Nitong Lunes, kinumpirma naman ni Atty. Maggie Garduque, kasama sa legal team ni Vhong, na nailipat na nga ang aktor sa Taguig City Jail.
“We confirm the transfer of Vhong today from NBI to BJMP,” patungkol ni Gardugue sa Bureau of Jail Management and Penology na nakasasakop sa Taguig City Jail.
“This is in compliance with the order of the court dated November 7, 2022,” dagdag niya.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabi ng BJMP, na sasailalim si Vhong sa mandatory medical examination, RT-PCR test, na bahagi ng health protocols.
DETALYE: Aktor na si Vhong Navarro, nailipat na sa Taguig City Jail matapos mapiit ng halos dalawang buwan sa NBI Detention Center sa Maynila. | via @jhomer_apresto pic.twitter.com/ZmyiDoeCpE
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 21, 2022
Nahaharap si Vhong sa kasong panghahalay sa model-stylist na si Deniece Cornejo na nangyari umano noong Enero 2014.
Nauna nang itinanggi ng aktor ang alegasyon laban sa kaniya.—FRJ, GMA Integrated News