Special mention kamakailan ang K-pop supergroup na BTS at miyembro nitong si Suga sa 2022 Bar examinations.

Sa ulat sa “Unang Balita” nitong Martes, sinabing lumitaw ang pangalan ni Suga o Min Yoongi sa isang tanong sa commercial law sa ikalawang bahagi ng exam noong nakaraang Linggo.

Ang tanong, kunwari director si Yoongi ng BTS Corp. PH na bumili ng malaking share sa supplier nila na Hybe Inc.

Sa isang pagpupulong, bumoto si Yoongi at iba pang mga kasama sa BTS Corp. board na aprubahan ang mga kontrata nito Hybe.

Ngunit kalaunan ay lumabas na hindi pala pabor sa BTS Corp. ang mga kontrata.

Tinanong sa mga kumuha ng pagsusulit kung ano ang mga legal na hakbang na maaaring gawin laban kay Yoongi.

Natuwa raw ang Pinoy ARMY sa pagbanggit kay Suga at sa BTS dahil tila certified ARMY rin ang gumawa ng tanong sa Bar exam, ayon pa sa ulat. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News