Inihayag ni Gladys Reyes na kailanman ay hindi niya pinakikialaman ang cellphone ni Christopher Roxas, bilang pagtitiwala niya sa kaniyang asawa at pagrespeto sa privacy ng isa't isa.

Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa sa guest choices sina Gladys at Christopher tungkol sa mga mag-asawa o couple na pumasok na rin sa food business.

Inilahad ni Gladys ang sikreto nila ni Christopher sa 29 taon na nilang pagiging magkarelasyon.

"Ang lagi kong sinasabi, prayers, patience, partnership. Kumbaga sa negosyo, siyempre kailangan muna mag-invest kayo. Hindi lang emotions pero lahat, siyempre 'yung wisdom doon sa pagsasama niyo. And then eventually aanihin niyo 'yung tubo doon sa negosyo na 'yon, sa relationship na 'yon," sabi ni Gladys.

"Respect each other's privacy, isa rin 'yan. Kasi trust 'yun eh," dagdag pa ng aktres.

Dahil dito, kahit kailan ay hindi niya hinalungkat ang cellphone ng kaniyang mister.
 
"Katulad ngayon. Until now, hindi kami 'yung 'O patingin ng cellphone mo,' hindi. Kasi iniisip ko, kung halimbawang may ginagawa naman 'yung isa, siya naman ang magdadala no'n eh," sabi ni Gladys.

Para naman kay Christopher, mahalaga na nauunawaan ng mag-partner ang kanilang mga limitasyon.

"Sa tama at sa totoo ka lang. Doon pa lang alam mo na 'yung boundaries mo," anang aktor.

Ikinasal sina Gladys at Christopher noong 2004. Mayroon silang apat na anak, na sina Christoph, Aquisha, Grant, at Gavin.

Magkasundo sa negosyo

Bukod sa pagiging artista, magkatuwang din sina Gladys at Christopher sa kanilang food business.

Isa ring chef si Christopher matapos kumuha ng culinary arts, habang si Gladys naman ang nangangasiwa sa marketing.

Bukod sa kanilang Sommereux Catering, meron din silang franchising na That's EntertainMeat.

Pinasalamatan ni Gladys ang kaniyang asawa, na desidido na itayo ang kanilang food business.

"Nakikinig lang ako sa kaniya hanggang eventually nagulat ako, ie-execute na. With the right partners, importante kasi na may tama kang tao na kasama. Hindi niyo kakayanin kayo lang 'yun eh, sa totoo lang. Ang hirap ng kayanin mo, eventually magfe-fail, kasi hindi mo naman specialty 'yun eh," sabi niya. — VBL, GMA Integrated News