Inihayag ni Carla Abellana na hindi pa rin nagsi-sink in sa kaniya na divorced na siya kay Tom Rodriguez, lalo na't hindi pa ito ipinatutupad sa Pilipinas. Ang aktres, sinabi ring hindi pa rin sila nag-uusap ng dati niyang asawa ilang buwan matapos ang kanilang hiwalayan.  

“Hindi pa. You know why? Because number one kasi, divorce doesn't exist in the Philippines. 'Di ba alam naman natin 'yan, either legal separation lang 'yan or nullity ng marriage," sagot ni Carla sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," nang tanungin kung nag-sink in na sa kaniya ang divorce nila ni Tom.

"So dahil ang foreign ng divorce at wala kasi sa atin, hindi pina-practice dito, hindi pa siya fully nagsi-sink in kasi sa ibang bansa pinrocess eh, it was processed in the United States kung saan existing ang divorce. Dito kasi hindi, of course iba ang ating legal system dito. So technically, kumbaga 'yung mind ko, fully aware naman na, yes, divorce technically. Kumbaga when I go to the United States, divorced ako doon, single ako ulit, I am free, 'yung ganu'n ba,” dagdag ni Carla.

Para kay Carla, iba pa rin ang pakiramdam kung ganap na kinikilala na rin maging sa Pilipinas ang diborsyo niya kay Tom.

“I don't know, maybe sa akin lang 'yon, sa mind ko lang 'yon... Pero kasi iba pa rin 'yung sa atin 'pag recognized na ng mismong local court natin, ng legal system natin. Iba pa rin 'yung, ‘Okay, divorced ka doon, single ka na.’ Pero dito hindi, so hindi pa siya nag-si-sink in," anang Kapuso actress.

Diretsahan ding sumagot si Carla na hindi iisang bagay lamang ang dahilan ng breakup nila ni Tom.

“I cannot answer that question kasi madami, madami pong dahilan. Hindi po mababaw, hindi po ganu'n kadali, hindi po iisang bagay lang. Talagang maraming reasons as to why [we parted ways]. Madami naman talaga."

Ayon pa kay Carla, hindi pa siya kinakausap ni Tom, na huli niyang nakita noong Pebrero. Nalaman din niya mula sa kanilang manager na lumipad patungong Amerika si Tom noong Marso.

“But since then, walang phone calls, no text messages, nothing," sabi ni Carla.

"Since then, wala talaga ever since. So it's been what — more than six months na walang ganu'ng communication. Dahil hindi na rin naging maganda 'yung mga nangyari eh, seryoso na talaga and ibang usapan na, lawyers were already involved. Umabot sa point na 'yung lawyers na lang ang nag-uusap,” ayon pa sa kaniya.

“So definitely, no communication since February, mga ganiyan, March. So ang tagal na no anything. No phone calls from both ends — walang nag-re-reach out, walang tumatawag, walang nag-me-message — nothing.”

Ikinasal sina Tom at Carla noong Oktubre 2021 matapos ang ilang taon nilang magkarelasyon. Pero nitong nakaraang Enero, umugong ang balitang may problema sa kanilang pagsasama.

Pagsapit nitong nakaraang Hunyo, inihayag ni Tom na isang US citizen na naaprubahan na ang kanilang diborsiyo. — VBL, GMA Integrated News