Sa kabila ng kaniyang kagwapuhan at pagiging heartthrob noong 90s, hindi raw pumasok sa ulo ni Eric Fructuoso ang kasikatan o ang pagiging isang celebrity.

Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa si Eric sa guest choices tungkol sa mga 90s heartthrobs na may mga anak na ngayon.

Kuwento ni Dabarkads Ryan Agoncillo, schoolmate niya si Eric, na pinagkakaguluhan na kahit hindi pa artista.

Lumalabas na sa commercials noon si Eric bago siya tuluyang pumasok sa TV.

"Sa akin naman kasi, dahil bata pa naman ako nagsimula, so hindi pumasok sa ulo ko lahat. Kasi siyempre, 'di ba nakakatuwa rin, pero alam din natin na nakakainis din minsan," sabi ni Eric.

Naging bahagi si Eric ng 90s teen boy group na Gwapings, kasama sina Mark Anthony Fernandez, Jomari Yllana at Jao Mapa.

"Since bata nga nagsimula, parang feeling ko 'yun na talaga 'yung mundo, parang normal na. Tsaka bata tayo, we're just having fun, parang laro-laro lang," anang aktor.

May mga pagkakataon pa raw na nalilimutan ni Eric na siya ay isang artista.

"Until this day naman... actually nire-remind pa nga ako ng mga kaibigan ko na 'Eric artista ka, baka nakakalimutan mo,'" sabi ni Eric.

"'Yung sweldo mo kunin mo baka makalimutan mo," biro pa ni Eric na sinasabi raw sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan.

Ngayon, may limang anak na si Eric at isang apo. — VBL, GMA Integrated News